Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 86:1-10

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

Exodo 12:43-49

Ang mga Tuntunin tungkol sa Paskwa

43 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Paskwa: Bawal kumain nito ang mga dayuhan; 44 ngunit ang alilang binili ninyo ay maaaring pakainin nito kung siya ay tuli na. 45 Hindi rin maaaring kumain nito ang mga dayuhang nakikipanuluyan lamang sa inyo, o kaya'y ang mga upahang manggagawa. 46 Ang(A) korderong pampaskwa ay dapat kainin sa loob ng bahay na pinaglutuan nito. Huwag ilalabas kahit kapiraso nito at huwag ding babaliin kahit isang buto. 47 Ang Pista ng Paskwa ay ipagdiriwang ng buong Israel. 48 Lahat ng dayuhang nakikipamayan sa inyo na gustong makipagdiwang sa Paskwa ay kailangang tuliin muna pati ang kanyang mga anak na lalaki bago pasalihin sa pagdiriwang. Sa gayo'y ituturing silang katutubong Israelita. Huwag hahayaang kumain nito ang sinumang hindi tuli. 49 Lahat ay saklaw ng mga tuntuning ito, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhan.”

Mga Hebreo 2:5-9

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.