Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,
upang mapawi ang kanilang gutom?
40 Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,
at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?
39 Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan,
o ang panahon na ang usa ay magsisilang?
2 Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan?
Alam mo ba kung kailan ito iluluwal?
3 Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang
sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang?
4 Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang
at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan.
5 “Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno?
Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino?
6 Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan,
at doon sa maalat na kapatagan.
7 Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay,
walang makapagpaamo at hindi mautusan.
8 Ang pastulan nila'y ang kaburulan,
hinahanap nila'y sariwang damuhan.
9 “Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho?
Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra?
10 Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit,
at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid?
11 Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya?
Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya?
12 Umaasa ka ba na siya ay magbabalik
upang sa ani mo ay siya ang gumiik?
Mga Kaloob ng Espiritu Santo
12 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. 2 Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. 3 Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.