Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 44

Panalangin Upang Iligtas

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
    narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
    at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
    samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
    hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
    kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
    oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
    pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
    pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
    upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
    sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
    sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
    hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
    aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
    matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
    sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.

13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
    kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
    sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
    aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16     Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
    ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.

17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
    ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
    at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
    hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
    sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.

20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
    at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
    sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.

23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
    Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
    ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.

25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
    sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
    dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!

Hosea 2:14-3:5

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Kanyang Bayan

14 “Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
    dadalhin ko sa ilang,
    kakausapin nang buong giliw.
15 Doon(A) ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan.
Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan,
    nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.”

16 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’ 17 Sapagkat ipalilimot ko na sa iyo ang mga pangalan ng mga Baal, at hindi na muling ipababanggit ang mga ito. 18 Sa araw na iyon, alang-alang sa iyo, makikipagkasundo ako sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa kalawakan, sa mga nilikhang sa lupa'y gumagapang. Aalisin ko sa lupain ang pana, ang espada at ang digmaan. Upang kayo'y makapagpahingang matiwasay.

19 Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel;
    mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan,
    sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa't isa.
20 Ikaw ay magiging tapat kong asawa,
    at kikilalanin mong ako nga si Yahweh.”

21 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh,
    “Tutugunin ko ang panalangin ng aking bayan,
    magkakaroon ng ulan upang ibuhos sa lupa.
22 Sa gayon, sasagana sa lupain ang pagkaing butil, ang alak at ang langis.
    Ito naman ang katugunan sa pangangailangan ng Jezreel.
23 Sa(B) panahon ding iyon ay ibabalik ko ang mga Israelita sa kanilang lupain.
Kahahabagan ko si Lo-ruhama,
    at sasabihin ko kay Lo-ammi, ‘Ikaw ang aking Bayan’,
    at tutugon naman siya, ‘Ikaw ang aking Diyos.’”

Si Hosea at ang Babaing Mangangalunya

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Umalis kang muli, at ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya'y nangangalunya. Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos at laging naghahandog sa mga ito ng tinapay na may pasas.”

Kaya't binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. At sinabi ko sa kanya, “Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo.” Sapagkat ang mga taga-Israel ay mamumuhay na walang hari at walang pinuno sa loob ng mahabang panahon. Mawawalan din sila ng mga handog, Ashera, efod, at larawan ng mga diyus-diyosan. Pagkatapos, magbabalik-loob sila kay Yahweh na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari. Sa mga huling araw, nanginginig silang lalapit kay Yahweh at malalasap nila ang kanyang kabutihan.

Colosas 2:16-3:1

16 Kaya't(A) huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi(B) sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

20 Namatay na kayo na kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? 22 Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. 23 Sa kaanyuan, para ngang ayon sa karunungan ang ganoong uri ng pagsamba, pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay walang silbi sa pagpigil sa hilig ng laman.

Yamang binuhay(C) kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.