Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.
7 O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
2 kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
3 O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
4 kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
5 payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]
6 O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
7 Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
8 Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
9 Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.
10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.
14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.
17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.
Ang Hatol sa Samaria
9 Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10 “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
“Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11 Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”
12 Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti ito at babalaan ang mga anak ni Jacob,”
sabi ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
14 “Sa(A) araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan,
wawasakin ko ang mga altar sa Bethel,
at malalaglag sa lupa ang mga iyon.
15 Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw.
Guguho ang mga bahay na yari sa garing;
ang malalaking bahay ay wawasaking lahat.”
4 Pakinggan ninyo ito, mga babae sa
Samaria na naglalakihang gaya ng mga baka ng Bashan,
na nang-aapi sa mahihina, nangingikil sa mahihirap,
at nag-uutos sa inyong mga asawa upang dalhan kayo ng inumin.
2 Ang Panginoong Yahweh ay banal, at kanyang ipinangako:
“Darating ang araw na kayo'y huhulihin ng pamingwit.
Bawat isa sa inyo'y matutulad sa isdang nabingwit.
3 Ilalabas kayo sa siwang ng pader
at kayo'y itatapon sa Harmon.”
Ang Pagmamatigas ng Israel
4 “Mga mamamayan ng Israel,” sabi ng Panginoong Yahweh,
“Pumunta kayo sa Bethel at doo'y gumawa ng kasalanan!
Pumunta rin kayo sa Gilgal at dagdagan pa ang inyong mga kasalanan!
Magdala kayo ng mga hayop na ihahandog tuwing umaga;
magdala kayo ng ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw.
5 Maghandog kayo ng tinapay bilang pasasalamat;
ipagyabang ninyo ang inyong mga kusang-loob na handog!
sapagkat ito ang gustung-gusto ninyong gawin.
Babala Laban sa Pagtatangi
2 Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. 2 Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” 4 nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
5 Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? 7 Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.