Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 52

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Amos 5:10-17

10 Namumuhi kayo sa naninindigan sa katarungan,
    at hinahamak ang nagsasabi ng katotohanan.
11 Ginigipit ninyo ang mahihirap
    at hinuhuthot ang kanilang ani.
Kaya't hindi ninyo matitirhan ang bahay na batong inyong itinayo,
    ni malalasap man lang ang alak mula sa malalawak ninyong ubasan.
12 Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan,
    at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan.
Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid,
    at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan.
13 Naghahari ang kasamaan sa panahong ito;
    kaya't kung ika'y matalino, mananahimik ka na lang.

14 Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama,
    upang ikaw ay mabuhay.
Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    tulad ng sinasabi mo.
15 Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti.
    Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan,
baka sakaling kahabagan ni Yahweh
    ang matitirang buháy sa lahi ni Jose.

16 Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon,
“Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis;
    at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan.
Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati,
    kasama ng mga bayarang taga-iyak.
17 May mga pagtangis sa bawat ubasan,
    sapagkat darating na ako sa inyong kalagitnaan.”

Mga Hebreo 5:1-6

Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.

Gayundin(C) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,

“Ikaw ang aking Anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”

Sinabi(D) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.