Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Isang Awit. Awit ni Asaf.
83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
2 Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
3 Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
4 Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
5 Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
laban sa iyo ay nagtipanan sila—
6 ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
ang Moab at ang mga Hagrita,
7 ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
8 ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)
9 Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
ang mga pastulan ng Diyos.”
13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
na Panginoon ang pangalan,
ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.
5 “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.
7 Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’
8 Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!
10 Dalhin(A) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.
11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(A)
2 Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.
2 Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
3 May mga taong[a] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
4 Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6 May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,
7 “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
8 Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?
9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’
10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—
11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”
12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001