Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
Nakipaglaban si Ben-hadad kay Ahab
20 Tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang buong hukbo niya. May tatlumpu't dalawang hari na kasama siya, mga kabayo, at mga karwahe. Siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan iyon.
2 At siya'y nagpadala ng mga sugo kay Ahab na hari ng Israel, sa loob ng lunsod, at sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ni Ben-hadad,
3 ‘Ang iyong pilak at ginto ay akin, pati ang iyong pinakamagagandang asawa at mga anak ay akin.’”
4 Ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Ayon sa iyong sinasabi panginoon ko, O hari; ako'y iyo at lahat ng aking ari-arian.”
5 Ang mga sugo ay muling dumating, at nagsabi, “Ganito ang sinabi ni Ben-hadad, Ako'y nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, ang iyong mga asawa at mga anak,’
6 gayunma'y susuguin ko sa iyo bukas ang aking mga lingkod sa mga ganitong oras. Kanilang hahalughugin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at anumang magustuhan nila ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at iyon ay kukunin.”
7 Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatanda sa lupain, at sinabi, “Inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng gulo, sapagkat kanyang ipinakukuha ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak, at mga ginto; at hindi ako tumanggi sa kanya.”
8 At sinabi sa kanya ng lahat ng matatanda at ng buong bayan, “Huwag mong pansinin, o payagan man.”
9 Kaya't kanyang sinabi sa mga sugo ni Ben-hadad, “Sabihin ninyo sa aking panginoong hari, ‘Ang lahat ng iyong ipinasugo sa iyong lingkod nang una ay aking gagawin. Ngunit ang bagay na ito ay hindi ko magagawa.’” At ang mga sugo ay umalis at muling nag-ulat sa kanya.
10 Si Ben-hadad ay nagsugo sa kanya, at nagsabi, “Gawin ang gayon ng mga diyos sa akin, at higit pa kung ang alabok sa Samaria ay magiging sapat na dakutin ng lahat ng taong sumusunod sa akin.”
11 At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Sabihin ninyo sa kanya na hindi dapat maghambog ang nagbibigkis ng sandata na parang siya ang naghuhubad nito.”
12 Nang marinig ni Ben-hadad ang pasugong ito, habang siya'y umiinom sa tolda kasama ang mga hari, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Humanda kayo sa pagsalakay.” At sila'y naghanda sa pagsalakay sa lunsod.
13 Ang isang propeta ay lumapit kay Ahab na hari ng Israel, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Nakita mo ba ang karamihang ito? Tingnan mo, aking ibibigay sila sa iyong kamay sa araw na ito at iyong makikilala na ako ang Panginoon.’”
14 Sinabi ni Ahab, “Sa pamamagitan nino?” At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan.’” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Sino ang magsisimula ng labanan?” At siya'y sumagot, “Ikaw.”
15 Nang magkagayo'y kanyang pinaghanda ang mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at sila'y dalawandaan at tatlumpu't dalawa. Pagkatapos ay kanyang tinipon ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel na may pitong libong katao.
Ang mga Taga-Siria ay Nagapi
16 Sila'y umalis nang katanghaliang-tapat, habang si Ben-hadad ay umiinom na nilalasing ang sarili sa loob ng mga tolda at ang tatlumpu't dalawang haring tumulong sa kanya.
17 At ang mga tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan ay naunang lumabas. Si Ben-hadad ay nagsugo ng mga kawal at isinalaysay nila sa kanya, “May mga taong lumalabas mula sa Samaria.”
18 Kanyang sinabi, “Kung sila'y lumalabas para sa kapayapaan, hulihin ninyo silang buháy; o kung sila'y lumalabas para sa pakikidigma, hulihin ninyong buháy.”
19 Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa lunsod, ang mga kabataan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.
20 Pinatay ng bawat isa ang kanya-kanyang kalabang lalaki, at ang mga taga-Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel. Ngunit si Ben-hadad na hari ng Siria ay tumakas na sakay ng isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.
21 Ang hari ng Israel ay lumabas, binihag ang mga kabayo at mga karwahe, at pinatay ang mga taga-Siria ng maramihang pagpatay.
Si Ben-hadad ay Natalo Ngunit Hinayaang Makatakas
22 Pagkatapos ang propeta ay lumapit sa hari ng Israel, at nagsabi sa kanya, “Halika, magpakalakas ka at tandaan mong mabuti kung ano ang iyong gagawin, sapagkat sa panahon ng tagsibol ay aahon ang hari ng Siria laban sa iyo.”
Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan
4 Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?
2 Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.
3 Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.
4 Mga(A) mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.
5 O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”
6 Ngunit siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001