Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
Si Ahab ay Pinagsalitaan ng Propeta
35 May isang lalaki sa mga anak ng mga propeta ang nagsabi sa kanyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Ngunit ang lalaki ay tumangging saktan siya.
36 Nang(A) magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, pagkalayo mo sa akin ay papatayin ka ng isang leon.” Paglayo niya sa kanya, nakasalubong siya ng isang leon at pinatay siya.
37 Pagkatapos ay nakatagpo siya ng isa pang lalaki, at nagsabi, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Sinaktan siya ng lalaki, tinaga at sinugatan siya.
38 Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagkunwari na may benda sa kanyang mga mata.
39 Habang dumaraan ang hari, sumigaw siya sa hari, na sinasabi, “Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng pakikipaglaban at may isang kawal na lumapit sa akin, dala ang isang lalaki, at nagsabi, ‘Ingatan mo ang lalaking ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, ang iyong buhay ang ipapalit sa kanyang buhay, o magbabayad ka ng isang talentong pilak.’
40 Habang ang iyong lingkod ay abala rito at doon, siya'y nakaalis.” At sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Magiging ganyan ang hatol sa iyo. Ikaw na rin ang nagpasiya.”
41 Pagkatapos, siya'y nagmadali, inalis ang benda sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.
42 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat iyong pinabayaang makatakas sa iyong kamay ang lalaki na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kanyang buhay, at ang iyong bayan para sa kanyang bayan.’”
43 Kaya't ang hari ng Israel ay umuwi sa kanyang bahay na masama ang loob at malungkot, at pumunta sa Samaria.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo(A)
17 Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling.
18 At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus.[a]
19 Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus.
20 Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”
21 Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?”
22 Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso?
23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’
24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
25 Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos.
26 Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001