Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Isang Awit. Awit ni Asaf.
83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
2 Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
3 Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
4 Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
5 Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
laban sa iyo ay nagtipanan sila—
6 ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
ang Moab at ang mga Hagrita,
7 ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
8 ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)
9 Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
ang mga pastulan ng Diyos.”
13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
na Panginoon ang pangalan,
ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.
17 Nang magkagayo'y tumayo si Jacob, at pinasakay sa mga kamelyo ang kanyang mga anak at asawa.
18 At kanyang dinala ang lahat niyang mga hayop, at ang lahat na pag-aari na kanyang natipon, ang hayop na kanyang natipon sa Padan-aram, upang pumunta sa lupain ng Canaan, kay Isaac na kanyang ama.
19 Si Laban ay humayo upang gupitan ang kanyang mga tupa; at ninakaw naman ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan ng kanyang ama.
20 At dinaya ni Jacob si Laban na Arameo, sapagkat hindi sinabi sa kanya na siya'y tatakas.
21 Kaya't tumakas siya dala ang lahat niyang ari-arian. Siya ay tumawid sa Ilog Eufrates, at pumunta sa maburol na lupain ng Gilead.
Hinabol ni Laban si Jacob
22 Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob.
23 Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead.
24 Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, “Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.”
25 Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.
26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak?
27 Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa.
28 Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan.
29 Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, ‘Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.’
30 Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”
31 At sumagot si Jacob kay Laban, “Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak.
32 Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon.” Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon.
33 Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel.
34 Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan.
35 At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon.” Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan.
Kautusan o Pananampalataya
3 O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus!
2 Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya?
3 Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman?
4 Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan.
5 Ang Diyos[a] ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya?
6 Kung(A) paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran.
7 Kaya't(B) inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham.
8 At(C) ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.”
9 Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001