Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
Gaano katagal kang magtatago sa akin?
2 Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?
3 Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
4 Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.
5 Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
6 O Yahweh, ika'y aking aawitan,
dahil sa iyong masaganang kabutihan.
23 Umalis si Isaac at nagpunta sa Beer-seba. 24 Nang gabing iyon, nagpakita sa kanya si Yahweh, at ang sabi,
“Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham,
huwag kang matakot, sapagkat sasamahan kita;
pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong lahi
alang-alang kay Abraham na tapat kong alipin.”
25 Nagtayo si Isaac ng altar doon at sinamba si Yahweh. Tumigil sila sa lugar na iyon at humukay muli ng balon ang kanyang mga alipin.
Mga Sanhi ng Pagkakasala(A)
17 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! 2 Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. 3 Kaya't(B) mag-ingat kayo!
“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. 4 Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.