Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
3 Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa't talang maririkit;
7 sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
9 Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
sa kanyang salita, lumitaw na kusa.
10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Nagkahiwalay sina Abram at Lot
13 Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian. 2 Mayaman na noon si Abram; marami na siyang mga tupa, kambing at baka. Marami na rin siyang naipong ginto at pilak. 3 Mula sa Negeb, unti-unti siyang naglakbay pabalik sa dati niyang pinagkampuhan, sa pagitan ng Bethel at Ai. 4 Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh.
5 Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan. 6-7 Dahil napakarami na ng kanilang mga hayop, hindi na sapat ang pastulan para sa mga kawan nina Abram at Lot. Kaya't madalas nag-aaway ang mga pastol nila. Nang panahon ding iyon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa lugar na iyon.
8 Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. 9 Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.”
10 At(A) nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. 11 Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. 12 Nanatili si Abram sa Canaan. Samantala, si Lot ay nanirahan naman sa mga lunsod sa kapatagan na malapit sa Sodoma. 13 Napakasama ng mga tao sa lunsod ng Sodoma; namumuhay sila nang laban kay Yahweh.
Nanirahan si Abram sa Hebron
14 Pagkaalis ni Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. 15 Ang(B) buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. 16 Ang iyong mga salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin ninuman. 17 Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo.” 18 Lumipat si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng malalaking puno sa Mamre. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh.
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. 18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. 20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. 22 Ang(A) nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:
“Ang aso pagkatapos sumuka
ay muling kinakain ang nailuwa na,”
at,
“Ang baboy na pinaliguan
ay bumabalik sa putikan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.