Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 116:1-2

Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan

116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
    dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
    kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.

Mga Awit 116:12-19

12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
    sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
    bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
    ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
    kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
    katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
    ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
    sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
    ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Purihin si Yahweh!

Genesis 24:1-9

Nag-asawa si Isaac

24 Matandang-matanda na noon si Abraham, at pinagpapalang mabuti ni Yahweh. Sinabi niya sa pinakamatanda niyang alipin na kanyang katiwala, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita at manumpa ka. Sumumpa ka sa akin sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka rito sa Canaan pipili ng mapapangasawa ng aking anak na si Isaac. Pumunta ka sa bayan kong tinubuan, at pumili ka sa aking mga kamag-anak doon ng mapapangasawa niya.”

“Kung ayaw pong sumama ng mapipili ko, maaari po bang si Isaac na ang papuntahin doon?” tanong ng alipin.

“Aba, hindi! Huwag mong papupuntahin doon si Isaac,” tugon ni Abraham. “Nilisan ko ang tahanan ng aking ama at iniwan ang lupain ng aking mga kamag-anak sapagkat dito ako pinapunta ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan. Nangako siyang ibibigay ang lupaing ito sa aking lahi. Magsusugo siya ng kanyang anghel na mauuna sa iyo upang tulungan ka sa pagpili ng mapapangasawa ng aking anak. Ngayon, kung ayaw sumama ng mapipili mo, wala ka nang pananagutan sa akin. Ngunit huwag mong papuntahin doon ang anak ko!” Kaya't inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa pagitan ng hita ng panginoon niyang si Abraham, at nanumpang susundin ito.

Mga Gawa 7:35-43

35 “Itinakwil(A) nila ang Moises na ito nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Sila(B) ay inilabas niya mula sa Egipto sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya roon, sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. 37 Siya(C) rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Ang Diyos ay pipili ng isa sa inyo at gagawing propetang tulad ko.’ 38 Siya(D) ang kasama sa kapulungan ng mga Israelita sa ilang at ng anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin.

39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40 Sinabi(E) pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ 41 At(F) gumawa nga sila ng isang diyus-diyosan na may anyong guyang baka. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang mga kamay. 42 Dahil(G) diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta:

‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako
    ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay
    sa loob ng apatnapung taong kayo'y nasa ilang.
43 Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec,
    at ang bituin ng inyong diyos na si Refan.
Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin,
    dadalhin ko kayong mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.