Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Panalangin ni David.
86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
ako'y mahina na't wala nang tumingin.
2 Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.
3 Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
4 Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
5 Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
6 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
7 Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
iyong tinutugon ang aking pagtawag.
8 Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
sa iyong gawai'y walang makaparis.
9 Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo't magbibigay galang;
sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. 3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” 4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17 Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.
Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.
25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”
26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.