Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Gawa 1:6-14

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?”[a] Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.” Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya na pumapaitaas, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.

10 Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila 11 at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Jesus na inyong nakita na dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya pumaitaas, ganyan din ang kanyang pagbalik.”

Pumili ang mga Apostol ng Kapalit ni Judas

12 Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo. Ang bundok na ito ay halos isang kilometro ang layo mula sa lungsod ng Jerusalem. 13 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kwarto na nasa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeus, Simon na makabayan,[b] at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Jesus, at ang mga lalaking kapatid ni Jesus.

Salmo 68:1-10

Awit ng Pagtatagumpay

68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
    Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
    Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
Awitan ninyo ang Dios,
    awitan ninyo siya ng mga papuri.
    Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
    Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
    Magalak kayo sa kanyang harapan!
Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
    Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
    at binibigyan sila ng masaganang buhay.
    Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
    O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.

Salmo 68:32-35

32 Umawit kayo sa Dios, kayong mga mamamayan ng mga kaharian sa mundo.
    Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
33 na naglalakbay sa kalangitan mula pa nang pasimula.
    Pakinggan ninyo ang kanyang dumadagundong na tinig.
34 Ipahayag ninyo ang kapangyarihan ng Dios na naghahari sa buong Israel.
    Ang kalangitan ang nagpapakita ng kanyang kapangyarihan.
35 Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan.
    Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan.
    Purihin ang Dios!

1 Pedro 4:12-14

Ang Pagtitiis Bilang Cristiano

12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. 13 Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat. 14 Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga tagasunod kayo ni Cristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Dios.

1 Pedro 5:6-11

Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.

Juan 17:1-11

Nanalangin si Jesus para sa mga Tagasunod Niya

17 Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras. Parangalan mo ako na iyong Anak para maparangalan din kita. Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa lahat ng tao para mabigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng taong ibinigay mo sa akin. At ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala ka ng mga tao na ikaw lang ang tunay na Dios, at makilala rin nila ako na isinugo mo. Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin. Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.

“Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mga tao sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo. Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.

“Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10 Ang lahat ng akin ay sa iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®