Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
Ang Pagtawag kay Moises
3 Isang araw, binabantayan ni Moises ang mga hayop ng biyenan niyang si Jetro[a] na pari ng Midian. Dinala ni Moises ang mga hayop malapit sa ilang at nakarating siya sa Horeb,[b] ang bundok ng Dios. 2 Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng Panginoon sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. 3 Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.”
4 Nang makita ng Panginoon na papalapit si Moises para tumingin, tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!”
Sumagot si Moises, “Narito po ako.”
5 Sinabi ng Dios, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 6 Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Dios.
7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. 8 Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain[c] na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 9 Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. 10 Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
11 Pero sinabi ni Moises sa Dios,
“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”
12 Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
Ang Pangangaral ni Esteban
7 Nagtanong ang punong pari kay Esteban, “Totoo ba ang sinasabi ng mga taong ito?” 2 Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ako. Noong unang panahon, nagpakita ang makapangyarihang Dios sa ating ninunong si Abraham noong siyaʼy nasa Mesopotamia pa, bago siya lumipat sa Haran. 3 Sinabi ng Dios sa kanya, ‘Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.’[a] 4 Kaya umalis si Abraham sa bayan ng Caldeo at doon siya nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, pinapunta siya ng Dios sa lugar na ito na tinitirhan natin ngayon. 5 Noong panahong iyon, hindi pa binibigyan ng Dios si Abraham ng kahit kapirasong lupa. Pero nangako ang Dios na ang lugar na ito ay ibibigay niya kay Abraham at sa kanyang mga lahi. Wala pang anak si Abraham nang ipinangako ito ng Dios. 6 Sinabi rin ng Dios sa kanya, ‘Ang iyong mga lahi ay maninirahan sa ibang bansa, at gagawin silang mga alipin doon at pagmamalupitan sa loob ng 400 taon. 7 Ngunit parurusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Pagkatapos, aalis sila sa bansang iyon at babalik sa lugar na ito, at dito sila sasamba sa akin.’ 8 At bilang tanda ng kanyang pangako, nag-utos ang Dios kay Abraham na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin. Kaya nang isilang ang kanyang anak na si Isaac, tinuli niya ito noong walong araw pa lang. Ganito rin ang ginawa ni Isaac sa kanyang anak na si Jacob. At ginawa rin ito ni Jacob sa kanyang 12 anak na siyang pinagmulan nating mga Judio.
9 “Si Jose na isa sa mga 12 anak ni Jacob ay kinainggitan ng mga kapatid niya, kaya ipinagbili nila siya. Dinala siya sa Egipto at naging alipin doon. Pero dahil ang Dios ay kasama ni Jose, 10 tinulungan siya nito sa lahat ng mga paghihirap na kanyang dinanas. Binigyan din siya ng Dios ng karunungan, kaya nagustuhan siya ng Faraon, ang hari ng Egipto. Ginawa siya ng hari na tagapamahala ng buong Egipto at ng lahat ng kanyang ari-arian. 11 Dumating ang taggutom sa buong Egipto at Canaan. Hirap na hirap ang mga tao, at ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12 Kaya nang mabalitaan ni Jacob na may pagkain sa Egipto, pinapunta niya roon ang kanyang mga anak, na siyang ating mga ninuno. Iyon ang una nilang pagpunta sa Egipto. 13 Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala na si Jose na siyaʼy kapatid nila, at sinabi rin niya sa Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14 Pagkatapos, ipinag-utos ni Jose na papuntahin ang ama niyang si Jacob sa Egipto kasama ang kanyang buong pamilya. (Mga 75 silang lahat.) 15 Kaya pumunta si Jacob at ang ating mga ninuno sa Egipto. Doon sila nanirahan at doon na rin namatay. 16 Dinala ang kanilang mga bangkay sa Shekem at inilibing sa libingang binili ni Abraham noon sa mga anak ni Hamor.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®