Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang ating Hari
93 Kayo ay hari, Panginoon;
nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
2 Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
naroon na kayo noon pa man.
3 Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
4 Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
5 Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.
12-13 Nakita ito ni Eliseo at sumigaw siya, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!” At hindi na niya nakita si Elias. Pagkatapos, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. Dinampot niya ang balabal ni Elias na nahulog, at bumalik siya sa tabi ng Ilog ng Jordan at tumayo roon. 14 Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon, ang Dios ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya. 15 Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya.
Si Jesus ay Hindi Taga-mundo
21 Muling nagsalita si Jesus sa mga pinuno ng mga Judio, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. At hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 22 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya? Ano ang ibig niyang sabihin na hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayoʼy makamundo at akoʼy makalangit. 24 Kaya sinasabi kong mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. Sapagkat kung hindi kayo maniniwala na ako ang Cristo, tiyak na mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo.” 25 “Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt noong una pa ay sinabi ko na sa inyo kung sino ako? 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala akong ipinapahayag sa mga tao sa mundo maliban sa mga ipinapasabi ng nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”
27 Hindi nila naintindihan na nagsasalita si Jesus tungkol sa Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas na ninyo[a] ako na Anak ng Tao, malalaman ninyo na ako nga ang Cristo. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama. 29 Lagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pababayaang mag-isa, dahil lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.” 30 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®