Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Gawa 7:55-60

55 Pero si Esteban na puspos ng Banal na Espiritu ay tumingala sa langit, at nakita niya ang nagniningning na kapangyarihan ng Dios at si Jesus na nakatayo sa kanan nito. 56 Sinabi ni Esteban, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukas ang langit at nakatayo si Jesus na Anak ng Tao sa kanan ng Dios!” 57 Sumigaw ang mga miyembro ng Korte at tinakpan nila ang kanilang mga tainga para hindi nila marinig ang sinasabi ni Esteban. At sabay-sabay silang sumugod sa kanya. 58 Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato. Hinubad ng mga saksing laban kay Esteban ang kanilang balabal at iniwan sa isang binatang ang pangalan ay Saulo. 59 Habang binabato nila si Esteban, nananalangin siya. Sinabi niya, “Panginoong Jesus, tanggapin nʼyo po ang aking espiritu.” 60 Pagkatapos, lumuhod siya at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag nʼyo silang papanagutin sa kasalanang ito na ginawa nila.” At pagkasabi niya nito, namatay siya.

Salmo 31:1-5

Dalangin ng Pagtitiwala

31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
    Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
    Kayo ang aking batong kanlungan,
    at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
    pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
    dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
    Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
    dahil kayo ang Dios na maaasahan.

Salmo 31:15-16

15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.

1 Pedro 2:2-10

Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,

“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[a]

Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[b]

“Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[c]

Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.

Juan 14:1-14

Si Jesus ang Tanging Daan Patungo sa Ama

14 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.”

Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” Sumagot si Jesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko. 11 Maniwala kayo na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi kong ito, maniwala man lang kayo dahil sa mga ginawa ko. 12 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko, at higit pa rito ang magagawa niya dahil pupunta na ako sa Ama. 13 At anuman ang hilingin nʼyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ko na kanyang Anak. 14 Oo, gagawin ko ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®