Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 27

27 Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?

Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan upang kanin ang aking laman, ang aking mga kaaway at aking mga kaalit, sila'y nangatisod at nangarapa.

Bagaman ang isang hukbo ay humantong laban sa akin, hindi matatakot ang aking puso: bagaman magbangon ang pagdidigma laban sa akin, gayon ma'y titiwala rin ako.

Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako'y makatahan sa bahay ng Panginoon, lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, at magusisa sa kaniyang templo.

Sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako; Kaniyang itataas ako sa ibabaw ng isang malaking bato.

At ngayo'y matataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako'y maghahandog sa kaniyang tabernakulo ng mga hain ng kagalakan; ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri sa Panginoon.

Dinggin mo, Oh Panginoon, pagka ako'y sumisigaw ng aking tinig: maawa ka rin sa akin, at sagutin mo ako.

Nang iyong sabihin, hanapin ninyo ang aking mukha; ang aking puso ay nagsabi sa iyo, ang iyong mukha, Panginoon, ay hahanapin ko.

Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; huwag mong ihiwalay ang iyong lingkod ng dahil sa galit: ikaw ay naging aking saklolo; huwag mo akong itakuwil, o pabayaan man, Oh Dios ng aking kaligtasan.

10 Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayon ma'y dadamputin ako ng Panginoon.

11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon: at patnubayan mo ako sa patag na landas, dahil sa aking mga kaaway.

12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway: sapagka't mga sinungaling na saksi ay nagsibangon laban sa akin, at ang nagsisihinga ng kabagsikan.

13 Ako sana'y nanglupaypay kundi ko pinaniwalaang makita ang kabutihan ng Panginoon. Sa lupain ng may buhay.

14 Magantay ka sa Panginoon: ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon.

Genesis 13:1-7

13 At umahon sa Timugan si Abram mula sa Egipto, siya at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang tinatangkilik, at si Lot na kaniyang kasama.

At si Abram ay totoong mayaman sa hayop, sa pilak, at sa ginto.

At nagpatuloy si Abram ng kaniyang paglalakbay mula sa Timugan hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan noong una ng kaniyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Hai;

Sa dako ng dambana na kaniyang ginawa roon nang una: at sinambitla doon ni Abram ang pangalan ng Panginoon.

At si Lot man na kinasama ni Abram ay may tupahan at bakahan, at mga tolda.

At sila'y hindi makayanan ng lupain, na sila'y manahan na magkasama: sapagka't napakarami ang kanilang pag-aari, na ano pa't hindi maaring manirahang magkasama.

At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastor ng hayop ni Abram at ang mga pastor ng hayop ni Lot; at ang Cananeo at ang Pherezeo ay naninirahan noon sa lupain.

Genesis 13:14-18

14 At sinabi ng Panginoon kay Abram, pagkatapos na makahiwalay si Lot sa kaniya, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at sa dakong kalunuran:

15 Sapagka't ang buong lupaing iyong natatanaw ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakaylan man.

16 At gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi: na ano pa't kung mabibilang ng sinoman ang alabok ng lupa ay mabibilang nga rin ang iyong binhi.

17 Magtindig ka, lakarin mo ang lupain, ang hinabahaba at niluwang-luwang niyan; sapagka't ibibigay ko sa iyo.

18 At binuhat ni Abram ang kaniyang tolda, at yumaon at tumahan sa mga punong encina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.

Filipos 3:2-12

Magsipagingat kayo sa mga aso, magsipagingat kayo sa masasamang manggagawa, magsipagingat kayo sa mga sa pagtutuli:

Sapagka't tayo ang pagtutuli, na nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anomang pagkakatiwala sa laman:

Bagama't ako'y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako:

Na tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo;

Tungkol sa pagsisikap, ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan.

Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo.

Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo,

At ako'y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga'y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:

10 Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay;

11 Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

12 Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain