Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing; ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.
2 Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan; masdan ng iyong mga mata ang karampatan.
3 Iyong sinubok ang aking puso; iyong dinalaw ako sa kinagabihan; iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan; ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi. Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.
5 Ang aking mga hakbang ay nagsipanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
6 Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios: Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.
7 Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob, Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo. Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.
8 Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata, ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,
9 Sa masama na sumasamsam sa akin, sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.
10 Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba: sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na may kapalaluan.
11 Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang: itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.
12 Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli, at parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.
13 Bumangon ka, Oh Panginoon, harapin mo siya, ilugmok mo siya: iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;
14 Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon, sa mga tao ng sanglibutan, na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito, at ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan: kanilang binubusog ang kanilang mga anak, at iniiwan nila ang natira sa kanilang pag-aari sa kanilang sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran: ako'y masisiyahan pagka bumangon sa iyong wangis.
21 At si Satan ay tumayo laban sa Israel, at kinilos si David na bilangin ang Israel.
2 At sinabi ni David kay Joab, at sa mga prinsipe ng bayan, Kayo'y magsiyaon, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; at dalhan ninyo ako ng salita; upang aking maalaman ang bilang nila.
3 At sinabi ni Joab, Gawin nawa ng Panginoon ang kaniyang bayan na makasandaang higit sa dami nila; nguni't, panginoon ko na hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? bakit kinakailangan ng panginoon ko ang bagay na ito? bakit siya'y magiging sanhi ng ipagkakasala ng Israel?
4 Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab. Kaya't si Joab ay yumaon, at naparoon sa buong Israel, at dumating sa Jerusalem.
5 At ibinigay ni Joab ang kabuuan ng bilang ng bayan kay David. At silang lahat na taga Israel ay labing isang daan libo na nagsisihawak ng tabak: at ang Juda ay apat na raan at pitongpung libong lalake na nagsisihawak ng tabak.
6 Nguni't ang Levi at ang Benjamin ay hindi binilang; sapagka't ang pananalita ng hari ay kahalayhalay kay Joab.
7 At sumama ang loob ng Dios sa bagay na ito; kaya't kaniyang sinaktan ang Israel.
8 At sinabi ni David sa Dios, Ako'y nagkasala ng mabigat sa aking paggawa ng bagay na ito: nguni't ngayo'y alisin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagka't aking ginawang may lubhang kamangmangan.
9 At ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na tagakita ni David, na sinasabi,
10 Yumaon ka at magsalita kay David na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga iyan, upang aking magawa sa iyo.
11 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Piliin mo ang iniibig mo:
12 Tatlong taong kagutom; o tatlong buwan na pagkalipol sa harap ng iyong mga kaaway, samantalang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umabot sa iyo; o kung dili ay tatlong araw na ang tabak ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mangwawasak sa lahat na hangganan ng Israel. Ngayon nga'y akalain mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kaniya na nagsugo sa akin.
13 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y totoong nasa kagipitan: ipinamamanhik ko na ihulog mo ako ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't totoong malaki ang kaniyang kaawaan; at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.
14 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel: at nabuwal sa Israel ay pitongpung libong lalake.
15 At ang Dios ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem, upang gibain; at nang kaniyang lilipulin, ang Panginoo'y tumingin, at nagsisi siya tungkol sa kasamaan, at sinabi sa manglilipol na anghel, Siya na, ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.
16 At itinanaw ni David ang kaniyang mga mata, at nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit, na may hawak na tabak sa kaniyang kamay na nakaunat sa Jerusalem. Nang magkagayo'y si David at ang mga matanda, na nangakapanamit ng kayong magaspang ay nangagpatirapa.
17 At sinabi ni David sa Dios, Hindi ba ako ang nagpabilang sa bayan? sa makatuwid baga'y ako yaong nagkasala at gumawa ng totoong kasamaan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon kong Dios, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama; nguni't huwag laban sa iyong bayan, na sila'y masasalot.
2 Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid:
2 At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.
3 At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.
4 Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya;
5 Datapuwa't ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal ang pagibig ng Dios. Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa kaniya:
6 Ang nagsasabing siya'y nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.
Public Domain