Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 20

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan; itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob;

Saklolohan ka mula sa santuario, at palakasin ka mula sa Sion;

Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog, at tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; (Selah)

Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso, at tuparin ang lahat ng iyong payo.

Kami ay magtatagumpay sa iyong pagliligtas, at sa pangalan ng aming Dios ay aming itataas ang aming mga watawat: ganapin nawa ng Panginoon ang lahat ng iyong mga hingi.

Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang kaniyang pinahiran ng langis; sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.

Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo: nguni't babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.

Sila'y nangakasubsob at buwal: nguni't kami ay nakatindig at nakatayo na matuwid.

Magligtas ka, Panginoon: sagutin nawa kami ng Hari pagka kami ay nagsisitawag.

Exodo 40:1-15

40 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi,

Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng kapisanan.

At iyong isisilid doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ang kaban ng lambong.

At iyong ipapasok ang dulang, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyaon; at iyong ipapasok ang kandelero at iyong sisindihan ang mga ilawan niyaon.

At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa kamangyan sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing ng pintuan sa tabernakulo.

At iyong ilalagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

At iyong ilalagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo at ng dambana, at iyong sisidlan ng tubig.

At iyong ilalagay ang looban sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuang daan ng looban.

At kukuha ka ng langis na pangpahid, at papahiran mo ang tabernakulo, at lahat na nandoon, at iyong pakakabanalin, at lahat ng kasangkapan niyaon: at magiging banal.

10 At iyong papahiran ng langis ang dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng kasangkapan, at iyong pakakabanalin ang dambana: at ang dambana ay magiging kabanalbanalan.

11 At iyong papahiran din naman ng langis ang hugasan at ang tungtungan, at iyong pakakabanalin.

12 At iyong dadalhin si Aaron at ang kaniyang mga anak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong paliliguan ng tubig.

13 At iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuutan; at iyong papahiran ng langis siya, at iyong papagbanalin siya, upang siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

14 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at iyong susuutan sila ng mga kasuutan:

15 At iyong papahiran ng langis sila gaya ng iyong pagkapahid sa kanilang ama, upang sila'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, at ang pagpapahid sa kanila ay maging sa kanila'y pinakatanda ng walang hanggang pagka-saserdote sa buong panahon ng kanilang lahi.

Mga Hebreo 10:19-25

19 Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,

20 Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman;

21 At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios;

22 Tayo'y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig,

23 Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako:

24 At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa;

25 Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain