Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 35:11-28

11 May mga malupit na taong sumasaksi laban sa akin.
    Ang kasalanang hindi ko ginawa ay ibinibintang nila sa akin.
12 Ginagantihan nila ako ng masama sa mga kabutihang aking ginawa,
    kaya akoʼy labis na nagdaramdam.
13 Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila;
    nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa.
    At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
14 palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan,
    at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
15 Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan.
    Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban;
    kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
16 Kinukutya nila ako nang walang pakundangan,
    at ang kanilang mga ngipin ay nagngangalit sa sobrang galit.
17 Panginoon, hanggang kailan kayo manonood lang?
    Iligtas nʼyo na ako sa mga sumasalakay na ito na parang mga leon na gusto akong lapain.
18 At sa gitna ng karamihan, kayoʼy aking papupurihan at pasasalamatan.
19 Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo.
    Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
20 Walang maganda sa sinasabi nila,
    sa halip sinisiraan nila ang namumuhay nang tahimik.
21 Sumisigaw sila sa akin na nagpaparatang,
    “Aha! Nakita namin ang ginawa mo!”
22 Panginoon, alam nʼyo ang lahat ng ito,
    kaya huwag kayong manahimik.
    Huwag kayong lumayo sa akin.
23     Sige na po, Panginoon kong Dios, ipagtanggol nʼyo na ako sa kanila.
24 O Dios ko, dahil kayo ay matuwid kung humatol,
    ipahayag nʼyo na wala akong kasalanan.
    Huwag nʼyong payagang pagtawanan nila ako.
25     Huwag nʼyong hayaang sabihin nila sa kanilang sarili,
    “Sa wakas, nangyari rin ang gusto naming mangyari,
    natalo na rin namin siya!”

26 Mapahiya sana silang nagmamalaki sa akin
    at nagagalak sa aking mga paghihirap.
27 Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan.
    Palagi sana nilang sabihin,
    “Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”
28 Ihahayag ko sa mga tao ang inyong pagkamakatwiran,
    at buong maghapon ko kayong papupurihan.

Exodus 35:1-29

Ang Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga

35 Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin. Kaya huwag na huwag kayong magtatrabaho, kahit na magsindi ng apoy sa bahay ninyo para magluto sa araw na iyon.”

Ang mga Handog para sa Toldang Sambahan(A)

Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga ginto, pilak, tanso, lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, telang gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[a] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.

Mga Kagamitan para sa Toldang Sambahan(B)

10 “Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 11 ang Toldang Sambahan at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga pundasyon; 12 ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip at kurtina; 13 ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 14 ang lalagyan ng ilaw at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan; 15 ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina ng pintuan ng Tolda; 16 ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang parilyang tanso, mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang tansong planggana at ang patungan nito; 17 ang mga kurtina sa palibot ng bakuran ng Tolda at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran; 18 ang mga tulos at mga lubid ng Tolda at ang mga kurtina sa palibot nito, 19 at ang banal na mga damit ni Aaron na pari at mga anak niyang lalaki, na isusuot nila kapag naglilingkod na sila sa Banal na Lugar.”

20 Pagkatapos, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ni Moises. 21 Ang lahat ng gustong maghandog sa Panginoon ay nagdala ng mga materyales na gagamitin sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at mga materyales para sa mga damit ng mga pari. 22 Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon. 23 May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat. 24 Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon. 25 Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong telang linen ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela. 26 At ang mga babae namang marunong gumawa ng tela mula sa balahibo ng kambing ay kusang-loob na ginawa nito. 27 Nagdala ang mga pinuno ng mga batong onix at iba pang mamahaling bato para ilagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito. 28 Nagdala rin sila ng mga sangkap at langis ng olibo para sa ilaw, para sa langis na pamahid at pabango sa insenso. 29 Kaya ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, na gustong tumulong sa lahat ng gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay kusang-loob na nagdala ng mga handog sa Panginoon.

Gawa 10:9-23

Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[a] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.

17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®