Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin para Tulungan ng Dios
120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot.
2 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.
3 Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
4 Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
5 Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
6 Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
7 Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.
Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(A)
18 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 19 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ni Jehoyakim. 20 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem(B)
Nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia.
25 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia, lumusob si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong sundalo niya sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng mga lupa sa gilid ng pader nito para makasampa sila. 2 Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.
3 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. 4 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan,[a] 5 pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya, 6 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, at doon siya hinatulan. 7 Pinatay sa harapan niya ang mga anak niyang lalaki. Dinukit ang mga mata niya, at nakakadena siyang dinala sa Babilonia.
Giniba ang Templo(C)
8 Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na kumander ng mga guwardya ng hari ng Babilonia. 9 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem at ang lahat ng mahahalagang gusali. 10 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 11 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 12 Pero itinira niya ang iba sa pinakamahihirap na tao para mag-alaga sa mga ubasan at bukirin.
13 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga kagamitan sa templo ng Panginoon: ang mga haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-iigib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila ang mga tanso sa Babilonia. 14 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 15 Kinuha rin ni Nebuzaradan ang mga lalagyan ng baga, mga mangkok at ang iba pang mga gamit na ginto at pilak. 16 Hindi matimbang ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, at sa mga kariton na ginagamit sa pag-iigib ng tubig. Ito ang mga bagay na ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 17 Ang bawat haligi ay may taas na 27 talampakan. Ang dalawang tanso na ulo ng bawat haligi ay may taas na apat at kalahating talampakan. Pinaikutan ito ng mga kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ng dekorasyong tanso, na hugis prutas na pomegranata.
18 Binihag din ni Nebuzaradan ang punong pari na si Seraya, si Zefanias na sumunod sa posisyon ni Seraya at ang tatlong guwardya ng pintuan ng templo. 19 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang limang tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 20 Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 21 na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
20 Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. 22 Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay. 23 Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo. 24 At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama. 25 Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway. 26 At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo.[a] Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.
29 May mga taong nagpapabautismo para sa mga namatay. Ano ang halaga ng ginagawa nila kung hindi naman muling mabubuhay ang mga patay? 30 At bakit pa namin inilalagay ang aming mga sarili sa panganib oras-oras? 31 Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito. 32 Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
33 Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.” 34 Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®