Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 120

Dalangin para Tulungan ng Dios

120 Sa aking paghihirap akoʼy tumawag sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot.

Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sinungaling.

Kayong mga sinungaling, ano kaya ang ipaparusa ng Dios sa inyo?
Parurusahan niya kayo sa pamamagitan ng matatalim na pana ng mga kawal at nagliliyab na baga.
Nakakaawa ako dahil naninirahan akong kasama ng mga taong kasinsama ng mga taga-Meshec at mga taga-Kedar.
Matagal na rin akong naninirahang kasama ng mga walang hilig sa kapayapaan.
Ang nais koʼy kapayapaan, ngunit kapag akoʼy nagsalita tungkol sa kapayapaan, ang gusto nilaʼy digmaan.

Jeremias 22:11-17

Ang Mensahe tungkol kay Jehoahaz

10-11 Mga taga-Juda, huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josia. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na sinilangan niya. Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi na hindi na siya makakabalik. 12 Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.

Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakim

13 Nakakaawa ka Jehoyakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa pamamagitan ng masamang paraan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang sweldo. 14 Sinabi mo, “Magtatayo ako ng palasyong malalaki ang silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.”

15 Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan. 16 Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin. 17 Pero ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.

Lucas 11:37-52

Tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan(A)

37 Pagkatapos magsalita ni Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Jesus at kumain. 38 Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain ayon sa seremonya ng mga Judio. 39 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga mangmang! Hindi baʼt ang Dios na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob? 41 Para maging malinis kayo, kaawaan ninyo ang mga mahihirap at tulungan nʼyo sila sa kanilang pangangailangan.

42 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu[a] ng mga pampalasa[b] at mga gulay ninyo, pero kinakaligtaan naman ninyo ang makatarungan na pakikitungo sa kapwa at ang pag-ibig sa Dios. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.

43 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar. 44 Nakakaawa kayo! Sapagkat para kayong mga libingang walang palatandaan at nilalakaran lamang ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”

45 Sinagot si Jesus ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, pati kami ay iniinsulto mo sa sinabi mong iyan.” 46 Sumagot si Jesus, “Nakakaawa rin kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat pinapahirapan ninyo ang mga tao sa inyong mahihirap na kautusan, pero kayo mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 47 Nakakaawa kayo! Pinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Kaya kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa nila. Sapagkat pinatay nila ang mga propeta, at kayo naman ang nagpapaayos ng mga libingan nila. 49 Kaya ito ang sinabi ng Dios ayon sa karunungan niya, ‘Magpapadala ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; papatayin nila ang ilan sa mga ito at uusigin ang iba.’ 50 Kaya mananagot ang henerasyong ito sa pagkamatay ng mga propeta ng Dios mula nang likhain ang mundo – 51 mula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng altar[c] at ng templo. Oo, tinitiyak ko sa inyo na parurusahan ang henerasyong ito dahil sa ginawa nila.

52 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat kinuha nʼyo sa mga tao ang susi sa pag-unawa ng katotohanan. Ayaw na nga ninyong sumunod sa katotohanan, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong sumunod.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®