Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panginoon ay Banal na Hari
99 Naghahari ang Panginoon at nakaupo sa gitna ng mga kerubin.
Kaya ang mga taoʼy nanginginig sa takot at ang mundoʼy nayayanig.
2 Makapangyarihan ang Panginoon sa Zion,[a]
dinadakila siya sa lahat ng bansa.
3 Magpupuri ang mga tao sa kanya dahil siya ay makapangyarihan at kagalang-galang.
Siya ay banal!
4 Siyaʼy haring makapangyarihan at ang nais niyaʼy katarungan.
Sa kanyang paghatol ay wala siyang kinikilingan,
at ang ginagawa niya sa Israel[b] ay matuwid at makatarungan.
5 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang templo.[c]
Siya ay banal!
6 Sina Moises at Aaron ay kanyang mga pari,
at si Samuel ay isa sa mga nanalangin sa kanya.
Tumawag sila sa Panginoon at tinugon niya sila.
7 Nakipag-usap siya sa kanila mula sa ulap na parang haligi;
sinunod nila ang mga katuruan at tuntunin na kanyang ibinigay.
8 Panginoon naming Dios, sinagot nʼyo ang dalangin ng inyong mga mamamayan.[d]
Ipinakita nʼyo sa kanila na kayo ay Dios na mapagpatawad kahit na pinarusahan nʼyo sila sa kanilang mga kasalanan.
9 Purihin ang Panginoon na ating Dios.
Sambahin siya sa kanyang banal na Bundok,
dahil ang Panginoon na ating Dios ay banal.
Pagtatagumpay sa Pamamagitan ng Tulong ng Dios
9 “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel. Tatawid kayo ngayon sa Jordan para sakupin ang mga bansa na mas malaki at mas makapangyarihan kaysa sa inyo. Malalaki ang kanilang lungsod at may matataas na pader na parang umabot na sa langit. 2 Malalakas at matatangkad ang mga naninirahan dito – mga angkan ni Anak! Alam naman ninyo ang tungkol sa mga angkan ni Anak at narinig ninyo na walang makalaban sa kanila. 3 Ngunit ngayon, makikita ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna sa inyo na parang apoy na lumalamon sa inyong mga kaaway. Tatalunin niya sila para madali ninyo silang maitaboy at malipol ayon sa ipinangako ng Panginoon sa inyo.
4 “Kapag naitaboy na sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan, huwag ninyong sasabihin sa inyong mga sarili, ‘Dinala tayo ng Panginoon para angkinin ang lupaing ito dahil matuwid tayo.’ Hindi, palalayasin sila ng Panginoon dahil masama silang bansa. 5 Mapapasainyo ang kanilang lupain hindi dahil matuwid kayo o mabuti kayong mga tao kundi dahil masama sila, at para matupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.
Nagsalita si Pedro sa Balkonahe ni Solomon
11 Parang ayaw nang humiwalay ng taong iyon kina Pedro at Juan. Lagi siyang nakahawak sa kanila habang naglalakad sila sa lugar na tinatawag na “Balkonahe ni Solomon.” Nagtakbuhan ang lahat ng tao palapit sa kanila, dahil manghang-mangha sila. 12 Pagkakita ni Pedro sa mga tao, sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong mga Israelita, bakit kayo namangha sa pangyayaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyoʼy napalakad namin ang taong ito dahil sa aming kapangyarihan at kabanalan? 13 Hindi! Ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob ang siyang gumawa nito upang parangalan niya ang kanyang lingkod na si Jesus. Ang Jesus na ito ang siyang ibinigay ninyo sa mga may kapangyarihan at itinakwil ninyo sa harapan ni Pilato, kahit napagpasyahan na niyang pakawalan siya. 14 Banal siya at matuwid, ngunit itinakwil nʼyo at hiniling kay Pilato na pakawalan ang isang mamamatay-tao sa halip na siya. 15 Pinatay nʼyo ang nagbibigay ng buhay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. At makapagpapatunay kami na nabuhay siyang muli. 16 Ang pananampalataya kay Jesus[a] ang siyang nagpalakas sa taong ito na inyong namukhaan at nakikita ngayon. Kayo man ay mga saksi na gumaling siya. Nangyari ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®