Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Maskil ni Asaf.
78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
3 mga bagay na aming narinig at nalaman,
na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
4 Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.
12 Sa(A) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(B) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(C) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(D) biniyak ang mga bato sa ilang,
at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.
Sinabi ang tungkol sa Kamatayan ni Moises
12 Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises, “Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.
13 Kapag nakita mo na iyon, titipunin kang kasama rin ng iyong bayan, na gaya ng pagkatipon kay Aaron na iyong kapatid.
14 Sapagkat sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapulungan ay naghimagsik kayo laban sa aking utos na kilalanin ninyo akong banal sa harap ng mga mata nila doon sa tubig.” (Ito ang tubig ng Meriba sa Kadesh sa ilang ng Zin.)
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(A)
27 Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda.
28 Sinabi nila sa kanya, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?”
29 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.
30 Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”
31 Nagtalo sila sa isa't isa, “Kung sabihin natin, ‘Mula sa langit’ ay sasabihin niya, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
32 Ngunit kung sabihin natin, ‘Mula sa mga tao’” ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta.
33 Kaya't sinagot nila si Jesus, “Hindi namin nalalaman.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001