Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.
Hinabol ni Laban si Jacob
22 Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob.
23 Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead.
24 Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, “Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.”
25 Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.
26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak?
27 Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa.
28 Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan.
29 Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, ‘Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.’
30 Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”
31 At sumagot si Jacob kay Laban, “Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak.
32 Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon.” Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon.
33 Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel.
34 Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan.
35 At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon.” Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan.
Ang Galit na Sagot ni Jacob
36 At si Jacob ay nagalit at nakipagtalo kay Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ano ang aking paglabag at ang aking kasalanan, at habulin mo ako na may pag-iinit?
37 Kahit hinalughog mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong natagpuan mong kasangkapan ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harapan ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak at hayaan mong magpasiya sila sa ating dalawa.
38 Ako'y kasama mo sa loob ng dalawampung taon; ang iyong mga babaing tupa at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nakunan, at hindi ako kumain ng mga tupang lalaki ng iyong kawan.
39 Ang nilapa ng mababangis na hayop ay hindi ko dinala sa iyo; ako mismo ang nagpasan ng pagkawala. Sa aking kamay mo hiningi iyon, maging ninakaw sa araw o sa gabi.
40 Naging ganoon ako; sa araw ay pinahihirapan[a] ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at ako ay nalipasan na ng antok.
41 Nitong dalawampung taon ay nakatira ako sa iyong bahay. Pinaglingkuran kita ng labing-apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan, at sampung ulit na binago mo ang aking sahod.
42 Kung ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang Kinatatakutan ni Isaac ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kapighatian, ang aking pagpapagod, at sinaway ka niya kagabi.”
Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8 Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig.
9 Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin,
10 at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo.
11 Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo.
12 Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin.
13 Nais(A) kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil.
14 Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang.
15 Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001