Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob
29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,
30 sa(A) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.
31 Doon(B) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,
32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”
33 Pagkatapos(C) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.
50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.
2 Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.
3 Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.
4 Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:
5 Pinanumpa(D) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”
6 Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”
7 Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[a] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;
8 ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.
9 Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.
10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.
11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[b] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.
12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.
13 Dinala(E) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.
14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.
12 Hindi kami nangangahas na ibilang o ihambing ang aming sarili sa ilan sa mga nagmamalaki sa kanilang sarili. Subalit silang sumusukat sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at inihahambing ang kanilang sarili sa isa't isa, sila ay hindi nakakaunawa.
13 Subalit hindi kami magmamalaki ng lampas sa sukatan, kundi ayon sa hangganan ng panukat na itinakda ng Diyos sa amin, upang umabot hanggang sa inyo.
14 Sapagkat hindi kami lumampas sa aming hangganan nang kami'y dumating sa inyo. Kami ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo.
15 Hindi kami nagmamalaki nang lampas sa sukat, samakatuwid ay sa pinagpaguran ng iba, subalit ang aming pag-asa ay habang ang inyong pananampalataya ay lumalago, ang aming saklaw sa inyo ay lumawak nawa,
16 upang aming maipangaral ang ebanghelyo sa mga lupain sa dako pa roon ng lupain ninyo, na hindi nagmamalaki sa mga gawang natapos na sa nasasakupan ng iba.
17 “Ngunit(A) siyang nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon.”
18 Sapagkat hindi ang pumupuri sa kanyang sarili ang tinatanggap, kundi siya na pinupuri ng Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001