Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
18 Isang araw, nang malaki na ang bata, siya'y umalis patungo sa kanyang ama na kasama ng mga manggagapas.
19 Kanyang idinaing sa kanyang ama, “Ang ulo ko, ang ulo ko!” At sinabi ng kanyang ama sa kanyang utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina.”
20 Kanyang binuhat siya at dinala sa kanyang ina; ang bata'y nakaupo sa kanyang kandungan hanggang sa katanghaliang-tapat; at siya'y namatay.
21 Pumanhik ang babae at inihiga ang bata sa higaan ng tao ng Diyos, at kanyang pinagsarhan siya ng pintuan at lumabas.
22 At kanyang tinawag ang kanyang asawa, at sinabi, “Pasamahin mo sa akin ang isa sa mga utusan, at ang isa sa mga asno, upang ako'y madaling makatungo sa tao ng Diyos, at makabalik uli.”
23 At kanyang sinabi, “Bakit ka pupunta sa kanya ngayon? Hindi bagong buwan o Sabbath man.” At kanyang sinabi, “Ayos lang.”[a]
24 Nang magkagayo'y siniyahan ng babae ang isang asno, at sinabi niya sa kanyang tauhan, “Patakbuhin mo at humayo ka, huwag mong pabagalin ang takbo para sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.”
25 Kaya't humayo siya at dumating sa tao ng Diyos sa bundok ng Carmel. Nang matanaw siya ng tao ng Diyos mula sa malayo na siya ay dumarating, kanyang sinabi kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tingnan mo, naroon ang Sunamita;
26 tumakbo ka agad upang salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? Mabuti ba ang iyong asawa? Mabuti ba ang bata?” At siya'y sumagot, “Mabuti.”
27 Nang siya'y dumating sa tao ng Diyos sa burol, siya'y humawak sa kanyang mga paa. At lumapit si Gehazi upang ilayo siya. Ngunit sinabi ng tao ng Diyos, “Hayaan mo siya, sapagkat siya'y nasa mapait na pagkabahala; at ito ay inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi sinabi sa akin.”
28 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? Di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?”
29 Sinabi niya kay Gehazi, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at humayo ka. Kung ikaw ay makakasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. At ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.”
30 At sinabi ng ina ng bata, “Habang buháy ang Panginoon, at ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't siya'y tumindig at sumunod sa kanya.
31 Si Gehazi ay nauna sa kanila at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit walang tunog o palatandaan ng buhay. Kaya't siya'y bumalik upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Ang bata'y hindi pa nagigising.”
32 Nang si Eliseo ay dumating sa bahay, nakita niyang ang bata ay patay at nakahiga sa kanyang higaan.
33 Kaya't siya'y pumasok at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at nanalangin sa Panginoon.
34 Pagkatapos,(A) siya'y sumampa at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig nito, at ang kanyang mga mata sa mga mata nito, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay nito; at habang siya'y nakadapa sa kanya, ang laman ng bata ay uminit.
35 Muli siyang tumayo at minsang lumakad sa bahay na paroo't parito, at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya. At ang bata'y pitong ulit na bumahin, at iminulat ng bata ang kanyang mga mata.
36 Tinawag niya si Gehazi, at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Kaya't kanyang tinawag siya. Nang siya'y lumapit sa kanya, sinabi niya, “Kunin mo ang iyong anak.”
37 Siya'y pumasok at nagpatirapa sa kanyang mga paa at yumukod sa lupa. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang anak at umalis.
Mga Patay na Binuhay
2 Kayo(A) noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,
2 na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.
3 Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba.
4 Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin,
5 maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas,
6 at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus,
7 upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8 Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos;
9 hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.
10 Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001