Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 17:1-7

Ang Tubig mula sa Bato sa Refidim(A)

17 Ang(B) buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga lugar na kanilang nilakbay sa utos ng Panginoon, at nagkampo sa Refidim; at walang tubig na mainom ang taong-bayan.

Kaya't ang taong-bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” At sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”

Subalit ang taong-bayan ay nauhaw roon at sila ay nagreklamo laban kay Moises at sinabi, “Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto, upang patayin mo sa uhaw, kami, ang aming mga anak, at ang aming kawan?”

Kaya't si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, “Anong aking gagawin sa bayang ito? Kulang na lamang ay batuhin nila ako.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dumaan ka sa harap ng taong-bayan, at isama mo ang matatanda ng Israel; at dalhin mo ang tungkod na iyong ipinalo sa ilog, at humayo ka.

Ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong hahampasin ang bato, at bubukalan ito ng tubig, upang ang bayan ay makainom.” At gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatanda sa Israel.

Tinawag niya ang pangalan ng dakong iyon na Massah at Meriba, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil kanilang sinubok ang Panginoon, na kanilang sinasabi, “Ang Panginoon ba'y nasa kalagitnaan natin o wala?”

Mga Awit 95

95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
    tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
    at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
    ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
    ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.

O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
    tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
Sapagkat(A)(B) siya'y ating Diyos,
    at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
    at mga tupa ng kanyang kamay.

Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
    huwag(C) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
    gaya ng araw sa ilang sa Massah,
nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
    at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
    at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
    at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(D) sa aking galit ako ay sumumpa,
    na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”

Roma 5:1-11

Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap

Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[a] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[b] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.

At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,

at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.

At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.

Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.

Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.

10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.

Juan 4:5-42

Sumapit(A) siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.

Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.

Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”

Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.

Sinabi(B) sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)[a]

10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”

11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?

12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”

13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,

14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

27 Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”

28 Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,

29 “Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”

30 Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.

31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”

32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.

35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[b] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.

36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.

37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’

38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”

39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”

40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.

42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001