Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 81

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Jeremias 2:4-13

Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O sambahayan ni Jacob, at lahat ng mga angkan ng sambahayan ng Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Anong kamalian ang natagpuan sa akin ng inyong mga magulang
    upang ako'y kanilang layuan,
at sumunod sa kawalang kabuluhan, at naging walang kabuluhan?
Hindi nila sinabi, ‘Nasaan ang Panginoon
    na nag-ahon sa atin mula sa lupain ng Ehipto,
na pumatnubay sa atin sa ilang,
    sa lupain ng mga disyerto at mga hukay,
sa lupain ng tagtuyot at malalim na kadiliman,
    sa lupaing hindi dinaanan ng sinuman
    at walang taong nanirahan?’
At dinala ko kayo sa masaganang lupain,
    upang sa mga bunga ng mabubuting bagay nito kayo ay kumain.
Ngunit nang kayo'y pumasok ang lupain ko'y inyong dinungisan,
    at ang aking pamana ay ginawa ninyong karumaldumal.
Hindi sinabi ng mga pari, ‘Nasaan ang Panginoon?’
    Silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin;
ang mga pinuno[a] ay sumuway sa akin,
    at ang mga propeta ay nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at nagsisunod sa mga bagay na walang pakinabang.
“Kaya't makikipagtalo pa rin ako sa inyo, sabi ng Panginoon,
    at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako.
10 Sapagkat tumawid kayo sa mga baybayin ng Kittim,[b] at inyong tingnan,
    at magsugo kayo sa Kedar, at magsuring mainam;
    at inyong tingnan kung may nangyari nang ganitong bagay.
11 Nagpalit ba ang isang bansa ng mga diyos,
    bagaman sila'y hindi mga diyos?
Ngunit ipinagpalit ng bayan ko ang kanilang kaluwalhatian
    sa hindi pinakikinabangan.
12 Magtaka kayo, O mga langit, sa bagay na ito,
    at magulat kayo, mawasak kayong lubos, sabi ng Panginoon.
13 Sapagkat ang bayan ko ay gumawa ng dalawang kasamaan:
    tinalikuran nila ako,
ang bukal ng mga tubig na buháy,
    at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig
na mga sirang tipunan
    na hindi malagyan ng tubig.

Juan 7:14-31

14 Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo.

15 Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?”

16 Sinagot sila ni Jesus, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.

17 Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos[a] ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili.

18 Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan.

19 Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan. Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?”

20 Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?”

21 Sumagot si Jesus sa kanila, “Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito.

22 Ibinigay(A) sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki.

23 Kung(B) ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath?

24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”

Siya ba ang Cristo?

25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?

26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?

27 Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”

28 Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad,[b] subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.

29 Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”

30 Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.

31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”

Juan 7:37-39

Mga Daloy ng Tubig na Buháy

37 Nang(A) huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.

38 Ang(B) sumasampalataya sa akin,[a] gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso[b] ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”

39 Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001