Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pag-akyat.
128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
2 Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.
3 Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
sa palibot ng iyong hapag-kainan.
4 Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
ay pagpapalain ng ganito.
5 Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
6 Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
mapasa Israel nawa ang kapayapaan!
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
17 “Sapagkat(A) narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit
at bagong lupa;
at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala,
o darating man sa isipan.
18 Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman
sa aking nilikha;
sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan,
at ang kanyang bayan na isang kaluguran.
19 Ako'y(B) magagalak sa Jerusalem,
at maliligayahan sa aking bayan;
at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya,
o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon doon
ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw,
o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw;
sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang,
at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang.
21 At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon;
at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon.
22 Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira,
sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain;
sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan,
at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan,
o manganganak man para sa kapahamakan,
sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng Panginoon,
at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako,
samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako.
25 Ang(C) asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama,
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka;
at alabok ang magiging pagkain ng ahas.
Sila'y hindi mananakit o maninira man
sa lahat kong banal na bundok,
sabi ng Panginoon.”
6 Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:
7 “Mapapalad(A) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
8 Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”
9 Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”
10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.
11 Tinanggap(B) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,
12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat(C) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001