Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Haring Pinili ng Panginoon
2 Bakit(A) nagsasabwatan ang mga bansa,
at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
2 Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
3 “Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”
4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
6 “Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”
7 Aking(B) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
sa araw na ito kita ay ipinanganak.
8 Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
9 Sila'y(C) iyong babaliin ng pamalong bakal,
at dudurugin mo sila gaya ng banga.”
10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.
Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan,
11 at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.
12 Lalagyan(A) mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, ‘Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin.
13 Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!’ Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok.”
14 Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan.
15 Kanyang sinabi sa bayan, “Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae.”
16 Sa(B) (C) umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.
17 Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.
18 Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.
19 Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.
20 Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang Panginoon, at mamatay ang marami sa kanila.
22 Gayundin ang mga pari na lumalapit sa Panginoon ay pabanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, ‘Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.’”
24 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumaba ka, at ikaw ay umakyat kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.”
25 Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila.
Ang Pananampalataya ni Moises
23 Sa(A) pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.
24 Sa(B) pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,
25 na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan.
26 Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala.
27 Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita.
28 Sa(C) pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001