Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(A)
3 Nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, sinugo ng hari si Safan na anak ni Azalia, na anak ni Mesulam, na kalihim sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,
4 “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari, upang kanyang matimbang ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon na nilikom mula sa bayan ng mga bantay-pinto;
5 at ibigay iyon sa kamay ng mga manggagawa na silang nangangasiwa sa bahay ng Panginoon. Ibibigay naman nila iyon sa mga manggagawa na nasa bahay ng Panginoon, na nag-aayos ng bahay,
6 samakatuwid ay sa mga karpintero, mga tagapagtayo, mga kantero, at gayundin para sa pagbili ng kahoy at ng batong tinibag upang ayusin ang mga sira ng bahay.
7 Gayunma'y(B) walang ulat ng nagugol ang hihingin sa kanila mula sa salaping ibinigay sa kanilang kamay, sapagkat sila'y tapat makitungo.”
8 At sinabi ni Hilkias na pinakapunong pari kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.
9 Si Safan na kalihim ay pumaroon sa hari, at iniulat sa hari, na sinasabi, “Inilabas na ng iyong mga lingkod ang salaping natagpuan sa bahay, at ibinigay na sa kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon.”
10 Sinabi ni Safan na kalihim sa hari, na sinasabi, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At ito ay binasa ni Safan sa harapan ng hari.
11 Nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, kanyang pinunit ang kanyang kasuotan.
12 At ang hari ay nag-utos ng ganito kay Hilkias na pari, kay Ahicam na anak ni Safan, kay Acbor na anak ni Micaya, kay Safan na kalihim, at kay Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,
13 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon para sa akin sa bayan, at para sa buong Juda tungkol sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Malaki ang poot ng Panginoon na nag-aalab laban sa atin, sapagkat hindi sinunod ng ating mga ninuno ang mga salita ng aklat na ito, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat tungkol sa atin.”
14 Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya.
15 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.
17 Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay.
18 Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
19 sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng Panginoon.
20 Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.’” At kanilang dinala ang kasagutan sa hari.
2 Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel?
3 “Panginoon,(A) pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay.”
4 Subalit(B) ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal.”
5 Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya.
6 Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya.
7 Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas,
8 ayon(C) sa nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing,
ng mga matang hindi tumitingin,
at ng mga taingang hindi nakikinig
hanggang sa araw na ito.”
9 At(D) sinasabi ni David,
“Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag,
isang katitisuran, at isang ganti sa kanila;
10 magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita,
mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001