Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:9-16

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

Deuteronomio 23:21-24:4

21 “Kapag(A) ikaw ay gagawa ng isang panata sa Panginoon mong Diyos, huwag kang magiging mabagal sa pagbabayad nito, sapagkat tiyak na hihingin sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at ikaw ay magkakasala.

22 Ngunit kung iiwasan mong gumawa ng panata, ito ay hindi magiging kasalanan sa iyo.

23 Maingat mong isasagawa ang lumabas sa iyong mga labi, ayon sa iyong kusang loob na ipinanata sa Panginoon mong Diyos, na ipinangako ng iyong bibig.

24 “Kapag ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapwa ay makakakain ka ng mga nagustuhan mong ubas hanggang sa ikaw ay mabusog; ngunit huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

25 Kapag ikaw ay lumapit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa, mapipitas mo ng iyong kamay ang mga uhay; ngunit huwag kang gagamit ng karit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa.

Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa

24 “Kapag(B) ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiyahiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay,

at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki;

kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya;

hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng Panginoon. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Deuteronomio 24:10-15

10 “Kapag(A) ikaw ay magpapahiram sa iyong kapwa ng anumang bagay, huwag kang papasok sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang sangla.

11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ang maglalabas ng sangla sa iyo.

12 Kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na nasa iyo ang sangla niya.

13 Isasauli mo sa kanya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kanyang balabal at pagpalain ka. Ito ay magiging katuwiran mo sa harapan ng Panginoon mong Diyos.

14 “Huwag(B) mong pagmamalupitan ang isang upahang manggagawa na dukha at nangangailangan, maging siya'y mula sa iyong mga kapatid, o sa mga dayuhan na nasa lupain mo sa loob ng iyong mga bayan.

15 Ibibigay mo sa kanya ang kanyang upa sa araw na kinita niya iyon, bago lumubog ang araw sapagkat siya'y mahirap at itinalaga niya roon ang kanyang puso; baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan mo.

Santiago 2:1-13

Babala Laban sa Pagtatangi

Mga kapatid ko, huwag kayong magkaroon ng pagtatangi habang tinataglay ninyo ang pananampalataya sa[a] ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon ng kaluwalhatian.

Sapagkat kung pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may mga gintong singsing sa mga daliri at may magandang kasuotan, at may pumasok ding isang dukha na may hamak na damit,

at inyong pinansin ang may suot ng damit na maganda, at sinabi, “Maupo ka rito,” at sa dukha ay inyong sinabi, “Tumayo ka riyan,” o “Maupo ka sa ibaba ng tuntungan ng aking mga paa,”

hindi ba kayo'y gumagawa ng mga pagtatangi sa inyong mga sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pag-iisip?

Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya?

Ngunit inyong hinamak ang dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman?

Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo?

Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tunay na inyong ginaganap ang kautusang maka-hari, ayon sa kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

Subalit kung kayo'y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo'y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag.

10 Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat.

11 Sapagkat(B) siya na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.” Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan.

12 Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.

13 Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa; ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001