Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:9-16

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

Mga Kawikaan 2:1-15

Ang Gantimpala ng Karunungan

Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin,
    at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin,
ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig,
    at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig.
Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam,
    at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa,
kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin,
    at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin,
kung magkagayo'y ang takot sa Panginoon ay iyong mauunawaan,
    at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan.
Sapagkat ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan,
    sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.
Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan,
    siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan,
upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan,
    at maingatan ang daan ng kanyang mga banal.
Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran,
    ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan.
10 Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan,
    at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman.
11 Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo,
    ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo.
12 Ililigtas ka nito sa daan ng kasamaan,
    mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay;
13 na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran,
    upang lumakad sa mga daan ng kadiliman;
14 na nagagalak sa paggawa ng kasamaan,
    at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan;
15 na mga lihis sa kanilang mga lakad,
    at mga suwail sa kanilang mga landas.

Mateo 19:1-12

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Diborsyo(A)

19 Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan.

Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon.

Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, “Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?”

Ngunit(B) siya'y sumagot at sinabi, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae,

at(C) kanyang sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?’

Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.”

Sinabi(D) nila sa kanya, ‘Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?’

Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon.

At(E) sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.[a] At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya.”

10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.”

11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito.

12 Sapagkat may mga eunuko,[b] na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001