Revised Common Lectionary (Complementary)
21 Nguni't gumawa kang kasama ko, Oh Dios na Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan: sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti, iligtas mo ako,
22 Sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan, at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y yumayaong gaya ng lilim pagka kumikiling: ako'y itinataas at ibinababa ng hangin na parang balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina sa pagaayuno, at ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako nama'y naging kadustaan sa kanila: pagka kanilang nakikita ako, kanilang pinagagalawgalaw ang kanilang ulo.
26 Tulungan mo ako, Oh Panginoon kong Dios; Oh iligtas mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob:
27 Upang kanilang maalaman na ito'y iyong kamay; na ikaw, Panginoon, ang may gawa.
28 Sumumpa sila, nguni't magpapala ka: pagka sila'y nagsibangon, sila'y mangapapahiya, nguni't ang iyong lingkod ay magagalak.
29 Manamit ng kasiraang puri ang mga kaaway ko, at matakpan sila ng kanilang sariling kahihiyan na parang balabal.
30 Ako'y magpapasalamat ng marami ng aking bibig sa Panginoon; Oo, aking pupurihin siya sa gitna ng karamihan.
31 Sapagka't siya'y tatayo sa kanan ng mapagkailangan, upang iligtas sa kanilang nagsisihatol ng kaniyang kaluluwa.
20 At nangyari nang ikapitong taon, nang ikalimang buwan, nang ikasangpu ng buwan, na ang ilan sa mga matanda ng Israel ay nagsiparoon na sumangguni sa Panginoon, at nagsiupo sa harap ko.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
3 Anak ng tao, salitain mo sa mga matanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo baga'y naparito upang sumangguni sa akin? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ako mapagsasanggunian ninyo.
4 Hahatulan mo baga sila, anak ng tao, hahatulan mo baga sila? Ipakilala mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga magulang;
5 At sabihin mo sa kanila; Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na aking piliin ang Israel, at itaas ko ang aking kamay sa lahi ng sangbahayan ni Jacob, at pakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto, na iginawad ko ang aking kamay sa kanila na sinabi, Ako ang Panginoon ninyong Dios;
6 Nang araw na yaon ay iginawad ko ang aking kamay sa kanila, upang ilabas ko sila sa lupain ng Egipto, na dalhin sa lupain na aking itinaan sa kanila na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain.
7 At sinabi ko sa kanila, Itakuwil ng bawa't isa sa inyo ang mga bagay na kasuklamsuklam sa kaniyang mga mata, at huwag kayong mangahawa sa mga diosdiosan ng Egipto; ako ang Panginoon ninyong Dios.
8 Nguni't sila'y nanghimagsik laban sa akin, at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawa't isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga mata, o nilimot man nila ang mga diosdiosan sa Egipto. Nang magkagayo'y sinabi kong aking ibubuhos sa kanila ang aking kapusukan, upang ganapin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Egipto.
9 Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay napakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Egipto.
10 Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang.
11 At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon.
12 Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
13 Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila.
14 Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila.
15 Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain;
16 Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan.
17 Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang.
7 Gaya nga ng sabi ng Espiritu Santo, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig,
8 Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi, Gaya nang sa araw ng pagtukso sa ilang,
9 Na doon ako tinukso ng inyong mga magulang sa pagsubok sa akin, At apat na pung taon na nangakita ang aking mga gawa.
10 Dahil dito'y nagalit ako sa lahing ito, At aking sinabi, Laging sila'y nangagkakamali sa kanilang puso: Nguni't hindi nila nangakilala ang aking mga daan;
11 Ano pa't aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
12 Magsipagingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Dios na buhay:
13 Nguni't kayo'y mangagpangaralan sa isa't isa araw-araw, samantalang sinasabi, Ngayon; baka papagmatigasin ang sinoman sa inyo ng daya ng kasalanan:
14 Sapagka't tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan:
15 Samantalang sinasabi, Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa pamumungkahi.
16 Sapagka't sino-sino, na pagkarinig ay namungkahi? nguni't, hindi baga yaong lahat na nagsialis sa Egipto sa pamamagitan ni Moises?
17 At sino-sino ang kinagalitan niyang apat na pung taon? hindi baga yaong nangagkasala, na ang kanilang mga katawan ay nangabuwal sa ilang?
18 At sa kani-kanino isinumpa niyang hindi makapapasok sa kaniyang kapahingahan, kundi yaong mga nagsisuway?
19 At nakikita natin na sila'y hindi nangakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
4 Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon.
2 Sapagka't tunay na tayo'y pinangaralan ng mabubuting balita, gaya rin naman nila: nguni't hindi nila pinakinabangan ang salitang napakinggan, dahil sa walang kalakip na pananampalataya ang nangakarinig.
3 Sapagka't tayong nagsisipanampalataya ay nagsisipasok sa kapahingahang yaon; gaya ng sinabi niya, Gaya ng aking isinumpa sa aking kagalitan, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan: bagama't ang mga gawa ay nangatapos mula nang itatag ang sanglibutan.
4 Sapagka't sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, At nagpahinga nang ikapitong araw ang Dios sa lahat ng kaniyang mga gawa;
5 At sa dakong ito ay muling sinabi, Sila'y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.
6 Kaya't yamang may natitira pang ibang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una ng mabubuting balita ay hindi nangapasok dahil sa pagsuway,
7 Ay muling nagtangi siya ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinabi sa mga awit ni David (ayon sa sinabi na ng una), Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.
8 Sapagka't kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan, ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw.
9 May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios.
10 Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa.
11 Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway.
Public Domain