Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 32

32 Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, na tinakpan ang kasalanan.

Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, at walang pagdaraya ang diwa niya.

Nang ako'y tumahimik, ay nanglumo ang aking mga buto dahil sa aking pagangal buong araw.

Sapagka't araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay: ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng taginit. (Selah)

Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: aking sinabi, aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; at iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.

Dahil dito'y dalanginan ka nawa ng bawa't isa na banal sa panahong masusumpungan ka: tunay na pagka ang mga malaking tubig ay nagsisiapaw ay hindi aabutan nila siya.

Ikaw ay aking kublihang dako; iyong iingatan ako sa kabagabagan; iyong kukulungin ako sa palibot ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo.

Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa: na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila, na kung dili'y hindi sila magsisilapit sa iyo.

10 Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama: nguni't siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.

11 Kayo'y mangatuwa sa Panginoon, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid: at magsihiyaw kayo ng dahil sa kagalakan kayong lahat na matuwid sa puso.

Jeremias 25:15-29

15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa akin, Abutin mo itong saro ng alak ng kapusukan sa aking kamay, at painumin mo ang lahat na bansa na pinagsuguan ko sa iyo.

16 At sila'y magsisiinom, at magsisihapay na paroo't parito, na mangauulol, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa kanila.

17 Nang magkagayo'y inabot ko ang saro sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat na bansang pinagsuguan ng Panginoon:

18 Sa makatuwid, ang Jerusalem, at ang mga bayan ng Juda, at ang mga hari niyaon, at ang mga prinsipe niyaon, upang gawin silang kagibaan, katigilan, kasutsutan, at sumpa; gaya sa araw na ito;

19 Si Faraong hari sa Egipto, at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong bayan niya;

20 At ang lahat ng halohalong bayan, at ang lahat ng hari sa lupain ng Hus, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, at ang Ascalon, at ang Gaza, at ang Ecron, at ang nalabi sa Asdod;

21 Ang Edom, at ang Moab, at ang mga anak ni Ammon;

22 At ang lahat ng hari sa Tiro, at ang lahat ng hari sa Sidon, at ang hari sa pulo na nasa dako roon ng dagat;

23 Ang Dedan, at ang Tema, at ang Buz, at ang lahat ng magsisiputol ng mga laylayan ng kanilang buhok;

24 At ang lahat ng hari sa Arabia, at ang lahat ng hari sa halohalong bayan na nagsisitahan sa ilang;

25 At ang lahat ng hari sa Zimri, at ang lahat ng hari sa Elam, at ang lahat ng hari ng mga Medo;

26 At ang lahat ng hari sa hilagaan, malayo't malapit na isa't isa; at ang lahat ng kaharian sa sanglibutan, na nangasa ibabaw ng lupa: at ang hari sa Sesach ay magsisiinom pagkatapos nila.

27 At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kayo'y magsiinom, at kayo'y mangagpakalasing, at kayo'y magsisuka, at mangabuwal, at huwag na kayong magsibangon, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa inyo.

28 At mangyayari, kung tanggihan nilang abutin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y walang pagsalang magsisiinom.

29 Sapagka't, narito, ako'y nagpapasimulang gumawa ng kasamaan sa bayang tinawag sa aking pangalan, at kayo baga'y lubos na hindi mapaparusahan? Kayo'y walang pagsalang parurusahan; sapagka't aking tatawagin ang tabak laban sa lahat ng nananahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Mga Gawa 7:44-53

44 Sumaating mga magulang sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kaniyang gawin yaon alinsunod sa anyong kaniyang nakita.

45 Na yao'y ipinasok din ng ating mga magulang sa kapanahunang ukol, na kasama ni Josue nang sila'y magsipasok sa inaari ng mga bansa, na pinalayas ng Dios sa harapan ng ating magulang, hanggang sa mga araw ni David;

46 Na nakasumpong ng biyaya sa paningin ng Dios, at huminging makasumpong ng isang tahanang ukol sa Dios ni Jacob.

47 Datapuwa't iginawa siya ni Salomon ng isang bahay.

48 Bagama't ang Kataastaasa'y hindi tumatahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,

49 Ang langit ay ang aking luklukan, At ang lupa ang tungtungan ng aking mga paa: Anong anyo ng bahay ang itatayo ninyo sa akin? sabi ng Panginoon: O anong dako ang aking pahingahan?

50 Hindi baga ginawa ng aking kamay ang lahat ng mga bagay na ito?

51 Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo.

52 Alin sa mga propeta ang hindi pinagusig ng inyong mga magulang? at kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kaniya'y kayo ngayon ay nangaging mga tagapagkanulo at mamamatay-tao;

53 Kayo na nagsitanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ginanap.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain