Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa pangitain na nagsasabi, Huwag kang matakot, Abram: ako ang iyong kalasag, at ang iyong ganting pala na lubhang dakila.
2 At sinabi ni Abram, Oh Panginoong Dios, anong ibibigay mo sa akin, kung ako'y nabubuhay na walang anak at ang magaari ng aking bahay ay itong taga Damascong si Eliezer?
3 At sinabi ni Abram, Narito, hindi mo ako binigyan ng anak at, narito't isang ipinanganak sa aking bahay ang siyang tagapagmana ko.
4 At, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsabi, Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; kundi lalabas sa iyong sariling katawan ang magiging tagapagmana mo.
5 At siya'y inilabas at sinabi, Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo: at sa kaniya'y sinabi, Magiging ganiyan ang iyong binhi.
6 At sumampalataya siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kaniya.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.
13 Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit; kaniyang minamasdan ang lahat na anak ng mga tao;
14 Mula sa dakong kaniyang tahanan ay tumitingin siya sa lahat na nangananahan sa lupa;
15 Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat, na nagmamasid sa lahat nilang mga gawa.
16 Walang hari na nakaliligtas sa pamamagitan ng karamihan ng hukbo: ang makapangyarihang tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng malaking kalakasan.
17 Ang kabayo ay walang kabuluhang bagay sa pagliligtas: ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa pamamagitan ng kaniyang malaking kalakasan;
18 Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;
19 Upang iligtas ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at upang ingatan silang buhay sa kagutom.
20 Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon: siya'y aming saklolo at aming kalasag.
21 Sapagka't ang aming puso ay magagalak sa kaniya, sapagka't kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.
22 Sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ayon sa aming pagasa sa iyo.
11 Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.
2 Sapagka't sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan.
3 Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa't ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita.
8 Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay tumalima upang pumaroon sa isang dakong kaniyang tatanggaping mana; at siya'y yumaon na di nalalaman kung saan siya paroroon.
9 Sa pananampalataya siya'y naging manglalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama si Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya:
10 Sapagka't inaasahan niya ang bayang may mga kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios.
11 Sa pananampalataya si Sara rin ay tumanggap ng lakas upang ipaglihi ang binhi, nang lipas na ang kaniyang gulang, palibhasa'y inari niyang tapat ang nangako:
12 Kaya naman sumibol sa isa, sa kaniya na tila patay na, ang kasing dami ng mga bituin sa langit sa karamihan, at di mabilang na gaya ng mga buhanging nasa tabi ng dagat.
13 Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang lahat ng mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni't kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa.
14 Sapagka't ang mga nagsisipagsabi ng mga gayong bagay ay nagpapakilalang hinahanap nila ang lupaing kanilang sarili.
15 At katotohanang kung kanilang naalaala yaong lupaing kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng mabuting pagkakataon upang bumalik.
16 Nguni't ngayon ay nagnanasa sila ng lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit: kaya hindi sila ikinahihiya ng Dios na tawaging Dios nila; sapagka't kaniyang ipinaghanda sila ng isang bayan.
32 Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian.
33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.
34 Sapagka't kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso.
35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan;
36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya.
37 Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya.
38 At kung siya'y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon.
39 Datapuwa't talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay.
40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.
Public Domain