Revised Common Lectionary (Complementary)
89 Aking aawitin ang kagandahang-loob ng Panginoon magpakailan man: aking ipababatid ng aking bibig ang iyong pagtatapat sa lahat ng sali't saling lahi.
2 Sapagka't aking sinabi, Kaawaan ay matatayo magpakailan man: ang pagtatapat mo'y iyong itatatag sa mga kalangitlangitan.
3 Ako'y nakipagtipan sa aking hirang, aking isinumpa kay David na aking lingkod;
4 Ang binhi mo'y itatatag ko magpakailan man, at aking itatayo ang luklukan mo sa lahat ng sali't saling lahi. (Selah)
5 At pupurihin ng langit ang iyong mga kababalaghan, Oh Panginoon; ang pagtatapat mo naman sa kapulungan ng mga banal.
6 Sapagka't sino sa langit ang maitutulad sa Panginoon? Sino sa gitna ng mga anak ng makapangyarihan ang gaya ng Panginoon,
7 Isang Dios na kakilakilabot sa kapulungan ng mga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot niya?
8 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, Oh JAH? At ang pagtatapat mo'y nasa palibot mo.
9 Iyong pinagpupunuan ang kapalaluan sa dagat: pagka nagsisibangon ang mga alon niyaon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong pinagwaraywaray ang Rahab na parang napatay; iyong pinangalat ang iyong mga kaaway ng bisig ng iyong kalakasan.
11 Ang langit ay iyo, ang lupa ay iyo rin: ang sanglibutan at ang buong narito ay iyong itinatag,
12 Ang hilagaan at ang timugan ay iyong nilikha; ang Tabor at ang Hermon ay nangagagalak sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig: malakas ang iyong kamay, at mataas ang iyong kanang kamay.
14 Katuwiran at kahatulan ay patibayan ng iyong luklukan: kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapauna sa iyong mukha.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila'y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha.
16 Sa iyong pangalan ay nangagagalak sila buong araw: at sa iyong katuwiran ay nangatataas sila.
17 Sapagka't ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang kalakasan: at sa iyong lingap ay matataas ang aming sungay.
18 Sapagka't ang aming kalasag ay ukol sa Panginoon; at ang aming hari ay sa banal ng Israel.
33 Si Manases ay may labing dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limang pu't limang taon sa Jerusalem.
2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
3 Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama: at siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga Baal, at gumawa ng mga Asera, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa mga yaon,
4 At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay malalagay ang aking pangalan magpakailan man.
5 At siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.
6 Kaniya rin namang pinaraan ang kaniyang mga anak sa apoy sa libis ng anak ni Hinnom: at siya'y nagpamahiin, at nagsanay ng panggagaway at nanghula, at nakipagsanggunian sa mga masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.
7 At siya'y naglagay ng larawan ng diosdiosan na inanyuan, na kaniyang ginawa, sa bahay ng Dios na pinagsabihan ng Dios kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man:
8 Ni babaguhin pa man ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda na ukol sa inyong mga magulang, kung kanila lamang isasagawa ang lahat na aking iniutos sa kanila, sa makatuwid baga'y ang buong kautusan at ang mga palatuntunan at ang mga ayos, sa pamamagitan ng kamay ni Moises.
9 At iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga Jerusalem, na anopa't sila'y nagsigawa ng higit na sama kay sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Manases, at sa kaniyang bayan: nguni't niwalang bahala nila.
11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong kawal ng hukbo ng hari sa Asiria, na siyang nagdala kay Manases na may mga tanikala, at ginapos siya ng mga damal, at nagdala sa kaniya sa Babilonia.
12 At nang siya'y nasa pagkapighati siya'y dumalangin sa Panginoon niyang Dios, at nagpakumbabang mainam sa harap ng Dios ng kaniyang mga magulang.
13 At siya'y dumalangin sa kaniya; at siya'y dininig, at pinakinggan ang kaniyang pamanhik, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Dios.
14 Pagkatapos nga nito ay nagtayo siya ng isang kutang panglabas sa bayan ni David, sa dakong kalunuran ng Gihon, sa libis, hanggang sa pasukan sa pintuang-bayan ng mga isda; at kaniyang kinulong ang Ophel, at itinaas ng malaking kataasan: at kaniyang nilagyan ng mga matapang na pinunong kawal ang lahat ng bayan na nakukutaan sa Juda.
15 At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan.
16 At kaniyang itinayo ang dambana ng Panginoon, at naghandog doon ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at tungkol sa mga pasalamat, at inutusan ang Juda na maglingkod sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
17 Gayon ma'y naghain ang bayan na nagpatuloy sa mga mataas na dako, nguni't sa Panginoon lamang na kanilang Dios.
11 Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.
2 Sapagka't sa pamamagitan nito ang mga matanda ay sinaksihan.
3 Sa pananampalataya ay natatalastas natin na ang sanglibutan ay natatag sa pamamagitan ng salita ng Dios, ano pa't ang nakikita ay hindi ginawa sa mga bagay na nakikita.
4 Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kay sa kay Cain, sa pamamagitan nito'y sinaksihan sa kaniyang siya'y matuwid, na nagpapatotoo ang Dios tungkol sa kaniyang mga kaloob: at sa pamamagitan nito patay na siya ay nagsasalita pa.
5 Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka't siya'y inilipat ng Dios: sapagka't bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y naging kalugodlugod sa Dios:
6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.
7 Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.
Public Domain