Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 140

Panalangin para Ingatan ng Dios

140 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
Nagpaplano sila ng masama at palaging pinag-aaway ang mga tao.
Ang kanilang mga dila ay parang mga makamandag na ahas;
    at ang kanilang mga salita ay makakalason na parang kamandag ng ahas.
Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
Ang mga hambog ay naglagay ng mga bitag para sa akin;
    naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.

Panginoon, kayo ang aking Dios.
    Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
    iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
Panginoon, huwag nʼyong ipagkaloob sa masama ang kanilang mga hinahangad.
    Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
    baka silaʼy magmalaki.
Sana ang masasamang plano ng aking mga kaaway na nakapaligid sa akin ay mangyari sa kanila.
10 Bagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
    at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11 Madali sanang mawala sa lupa ang mga taong nagpaparatang ng mali laban sa kanilang kapwa.
    Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.

12 Panginoon, alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
    at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13 Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.

Genesis 24:34-41

34 Sinabi niya, “Alipin ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng Panginoon ang aking amo at napakayaman na niya ngayon. Binigyan siya ng Panginoon ng maraming tupa, kambing, baka, kamelyo, asno, pilak, ginto at mga aliping lalaki at babae. 36 Kahit matanda na ang asawa niyang si Sara, nagkaanak pa rin siya. At ang anak nilang lalaki ang siyang magmamana ng lahat ng ari-arian niya. 37 Pinasumpa ako ng aking amo para tuparin ko ang kanyang utos. Sinabi niya, ‘Huwag kang pipili ng mapapangasawa ng anak ko rito sa mga taga-Canaan na ang lupain ay ang tinitirahan natin ngayon. 38 Pumunta ka sa tahanan ng aking ama, at doon ka pumili ng mapapangasawa ng anak ko, mula sa aking mga kamag-anak.’

39 “Pero nagtanong ako, ‘Paano po kung hindi sumama ang babae sa akin?’ 40 Sumagot siya, ‘Ang Panginoon na sinusunod ko ay magpapadala ng anghel niya para samahan ka na mamagitan sa anak ko. Makakakita ka ng mapapangasawa ng anak ko mula sa aking mga kamag-anak, sa sambahayan ng aking ama. 41 Kung doon ka pupunta sa mga kamag-anak ko, hindi darating sa iyo ang kasamaang sinasabi ko na mangyayari kung hindi mo tutuparin ang ating sumpaan, kahit hindi nila pasamahin ang babae sa iyo.’

Genesis 24:50-67

50 Sumagot sina Laban at Betuel, “Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi. 51 Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.” 52 Pagkarinig noon ng alipin, yumukod siya at sumamba sa Dios. 53 Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeka. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeka. 54 Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.

Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, “Uuwi na ako sa amo ko.”

55 Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”

56 Pero sinabi ng alipin, “Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko.”

57 Sumagot sila, “Tawagin muna natin si Rebeka at tanungin kung ano ang pasya niya.” 58 Kaya tinawag nila si Rebeka at tinanong, “Gusto mo bang sumama sa kanya ngayon?”

Sumagot si Rebeka, “Oo, sasama ako.”

59 Kaya ipinasama nila si Rebeka pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito. 60 Binasbasan nila si Rebeka sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,

“Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo ang maraming lahi.
Nawaʼy talunin ng mga lahi mo ang kanilang mga kaaway.”

61 Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeka at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.

62 Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negev at kararating lang galing sa Beer Lahai Roi. 63 Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit. 64 Nang makita ni Rebeka si Isaac, bumaba siya sa kanyang kamelyo 65 at nagtanong sa alipin ni Abraham, “Sino ang taong iyon na naglalakad sa bukid papalapit sa atin?”

Sumagot ang alipin, “Siya ang aking amo na si Isaac.” Kaya tinakpan ni Rebeka ang kanyang mukha ng belo.

66 Sinabi ng alipin kay Isaac ang lahat ng ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa toldang tinitirhan noon ng kanyang inang si Sara. Naging asawa niya si Rebeka at mahal na mahal niya ito. Kaya naibsan ang kalungkutan ni Isaac na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.

1 Juan 2:7-11

Mga minamahal, hindi bago ang ibinibigay kong utos na magmahalan kayo, kundi dati na. Ang utos na ito ay walang iba kundi ang mensaheng narinig at tinanggap ninyo mula nang sumampalataya kayo. Ngunit masasabi rin natin na ang utos na itoʼy bago, dahil lumilipas na ang kadiliman at nagliliwanag na ang tunay na ilaw. At ang katotohanang ito ay nakita sa buhay ni Cristo at maging sa inyo. Ang sinumang nagsasabing siyaʼy nasa liwanag ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa rin. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay namumuhay sa liwanag, at walang anuman sa buhay niya ang magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya alam ang kanyang patutunguhan dahil binulag siya ng kadilimang ito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®