Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Parusa sa Masasamang Tao
64 O Dios, pakinggan nʼyo ang daing ko!
Ingatan nʼyo ang buhay ko mula sa banta ng aking mga kaaway.
2 Ingatan nʼyo ako sa kasamaang pinaplano nila.
3 Naghahanda sila ng matatalim na salita,
na gaya ng espada at palasong nakakasugat.
4 Nagsasalita sila ng masakit sa likod ng mga taong matuwid
na parang namamana nang patago.
Bigla nila itong ginagawa nang walang katakot-takot.
5 Hinihikayat nila ang isaʼt isa na gumawa ng kasamaan
at pinag-uusapan nila kung saan maglalagay ng bitag.
Sinasabi nila, “Walang makakakita nito.”
6 Nagpaplano sila ng masama at sinasabi, “Napakaganda ng plano natin!”
Talagang napakatuso ng isip at puso ng tao!
7 Ngunit papanain sila ng Dios at bigla na lang silang masusugatan.
8 Mapapahamak sila dahil sa masasama nilang sinabi,
kukutyain sila ng mga makakakita sa kanila.
9 At lahat ng tao ay matatakot.
Pag-iisipan nila ang mga ginawa ng Dios at ipahahayag ito sa iba.
10 Magagalak at manganganlong sa Panginoon ang lahat ng matuwid.
At magpupuri sa kanya ang mga gumagawa ng tama.
Inihalintulad sa Buwaya ang Hari ng Egipto
32 Noong unang araw ng ika-12 buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Egipto. Sabihin mo sa kanya, ‘Ang akala moʼy isa kang leon na parooʼt parito sa mga bansa. Pero ang totooʼy para kang isang buwayang lumalangoy sa sarili mong ilog. Kinakalawkaw ng mga paa mo ang tubig at lumalabo ito.’ 3 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios sa iyo: Huhulihin kita ng lambat ko at ipakakaladkad sa maraming tao. 4 Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. 5 Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak. 6 Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig. 7 Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan. 8 Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9 “Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita. 10 Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)
Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya,
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®