Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 22:19-28

19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
    Kayo ang aking kalakasan;
    magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
    At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.

23 Kayong may takot sa Panginoon,
    purihin ninyo siya!
    Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
    parangalan ninyo siya
    at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
    Hindi niya sila tinatalikuran,
    sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.

Isaias 57:1-13

Isinumpa ang Dios-diosan ng Israel

57 Kapag namatay ang isang taong matuwid, walang gaanong nagtatanong kung bakit. Walang gaanong nakakaalam na ang mga taong matuwid ay kinukuha ng Dios para ilayo sa masama. Sapagkat kapag namatay ang taong matuwid, magkakaroon na siya ng kapayapaan at kapahingahan. Pero kayong mga lahi ng mga mangkukulam, ng mga nangangalunya, at ng mga babaeng bayaran, lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan. Kinukutya ninyo ang mga taong matuwid, nginingiwian at binebelatan ninyo sila. Lahi kayo ng mga rebelde at mga sinungaling. Sinasamba ninyo ang inyong mga dios-diosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy na itinuturing nʼyong banal. Inihahandog ninyo ang inyong mga anak sa mga daluyan ng tubig sa paanan ng mga burol. Ang mga batong makikinis sa mga daluyan ng tubig ay ginagawa ninyong dios at sinasamba sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at inumin. Hindi ako natutuwa sa ginagawa ninyong iyan. Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok at naghahandog ng inyong mga handog doon at nakikipagtalik. Inilalagay pa ninyo ang mga rebulto ng inyong mga dios-diosan malapit sa pintuan ng inyong mga bahay. Itinatakwil ninyo ako. Para kayong babaeng mangangalunya na nahiga sa malapad niyang higaan at pumayag na sumiping sa kanyang kalaguyo. Gustong-gusto niyang makipagtalik sa kalaguyo niya. Talagang nagpapakasawa siya sa pita ng kanyang laman.

Pumunta kayo sa dios-diosan ninyong si Molec. Marami ang dala ninyong langis at pabango. Nagsugo pa kayo ng mga tao sa malayong lugar para maghanap ng mga dios-diosang sasambahin ninyo. Kahit na ang lugar ng mga patay ay parang pupuntahan nʼyo pa. 10 At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga dios-diosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.

11 Sinabi ng Panginoon, “Sino ba itong mga dios-diosan na kinatatakutan nʼyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon? 12 Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, pero ipapakita ko kung anong klaseng tao kayo. 13 At hindi talaga makakatulong sa inyo ang inyong mga dios-diosan kapag humingi kayo ng tulong sa kanila. Silang lahat ay tatangayin ng hangin. At mapapadpad sila sa isang ihip lamang. Pero ang mga nagtitiwala sa akin ay maninirahan sa lupa[a] at sasamba sa aking banal na bundok.

Galacia 3:15-22

Ang Kautusan at ang Pangako ng Dios

15 Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din naman sa mga pangako ng Dios. 16 Ngayon, nangako ang Dios kay Abraham at sa kanyang salinlahi. Hindi niya sinabi, “sa mga apo[a] mo,” na nangangahulugang marami, kundi “sa apo mo,” na ang ibig sabihin ay iisa, at itoʼy walang iba kundi si Cristo. 17 Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Dios kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay niya 430 taon bago dumating ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa o mapapawalang-saysay ng Kautusan. 18 Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Dios kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Dios ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya.

19 Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito para malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Dios kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo.

21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid. 22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®