Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 119:97-104

97 Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.

98 Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin.

99 Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko.

100 Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.

101 Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo.

102 Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako.

103 Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!

104 Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling.

Nehemias 9:1-15

Nang ikadalawang pu't apat na araw nga ng buwang ito ay nagpupulong ang mga anak ni Israel na may pagaayuno, at may pananamit na magaspang, at may lupa sa ulo nila.

At ang binhi ni Israel ay nagsihiwalay sa lahat na taga ibang bayan, at nagsitayo at nangagpahayag ng kanilang mga kasalanan, at ng mga kasamaan ng kanilang mga magulang.

At sila'y nagsitayo sa kanilang dako, at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Dios ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at ang isang ikaapat na bahagi ay nagpahayag ng kasalanan, at nagsisamba sa Panginoon nilang Dios.

Nang magkagayo'y nagsitayo sa mga baytang ng mga Levita, si Jesua, at si Bani, si Cadmiel, si Sebanias, si Bunni, si Serebias, si Bani at si Chenani, at nagsidaing ng malakas sa Panginoon nilang Dios.

Nang magkagayo'y ang mga Levita; si Jesua at si Cadmiel, si Bani, at si Hosabnias, si Serebias, si Odaias, si Sebanias, at si Pethaia, ay nagsipagsabi, Kayo'y magsitayo at magsipuri sa Panginoon ninyong Dios na mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan: at purihin ang iyong maluwalhating pangalan, na nataas ng higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.

Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang; ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na nangaroon, ng mga dagat at ng lahat na nangaroon, at iyong pinamalaging lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.

Ikaw ang Panginoon na Dios, na siyang pumili kay Abram, at naglabas sa kaniya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham.

At nasumpungan mo ang kaniyang puso na tapat sa harap mo, at nakipagtipan ka sa kaniya, upang ibigay ang lupain ng Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Jebuseo, at ng Gergeseo, upang ibigay sa kaniyang binhi, at tumupad ng iyong mga salita; sapagka't ikaw ay matuwid.

At iyong nakita ang kadalamhatian ng aming mga magulang sa Egipto, at iyong dininig ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Mapula:

10 At nagpakita ka ng mga tanda at mga kababalaghan kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod, at sa buong bayan ng kaniyang lupain; sapagka't iyong nakilala na sila'y nagsigawa na may kapalaluan laban sa kanila; at ipinagimbot mo ikaw ng pangalan gaya sa araw na ito.

11 At iyong hinawi ang dagat sa harap nila na anopa't sila'y nagsidaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; at ang mga manghahabol sa kanila ay iyong ibinulusok sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.

12 Bukod dito'y iyong pinatnubayan sila sa isang tila haliging ulap sa araw; at sa isang tila haliging apoy sa gabi, upang bigyan sila ng tanglaw sa daan na kanilang lalakaran.

13 Ikaw rin naman ay bumaba sa bundok ng Sinai, at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na kahatulan at mga tunay na kautusan, mga mabuting palatuntunan at mga utos:

14 At ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na sabbath, at nagutos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga palatuntunan, at ng kautusan, sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod:

15 At nagbigay ka sa kanila ng tinapay na mula sa langit sa kanilang pagkagutom, at nilabasan mo sila ng tubig na mula sa malaking bato sa kanilang pagkauhaw, at inutusan mo sila na magsipasok na ariin ang lupain na iyong isinumpa upang ibigay sa kanila.

Efeso 5:21-6:9

21 Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo.

22 Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon.

23 Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.

24 Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay.

25 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;

26 Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita,

27 Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan.

28 Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani-kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili:

29 Sapagka't walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia;

30 Sapagka't tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan.

31 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman.

32 Ang hiwagang ito ay dakila: datapuwa't sinasalita ko ang tungkol kay Cristo at tungkol sa iglesia.

33 Gayon man ay umibig naman ang bawa't isa sa inyo sa kani-kaniyang sariling asawa gaya ng sa kaniyang sarili; at ang babae ay gumalang sa kaniyang asawa.

Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid.

Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako),

Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa.

At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon.

Mga alipin, magsitalima kayo sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon, na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo;

Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;

Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao:

Yamang napagaalaman na anomang mabuting bagay na gawin ng bawa't isa, ay gayon din ang muling tatanggapin niya sa Panginoon, maging alipin o laya.

At kayong mga panginoon, gayon din ang inyong gawin sa kanila, at iwan ninyo ang mga pagbabala: yamang napagaalaman na ang Panginoon nila at ninyo ay nasa langit, at sa kaniya'y walang itinatanging tao.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain