Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 34:15-22

15 Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.

16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan, upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa.

17 Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan.

18 Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.

19 Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni't inililigtas ng Panginoon sa lahat.

20 Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto: wala isa man sa mga yaon na nababali.

21 Papatayin ng kasamaan ang masama: at silang nangagagalit sa matuwid na tao ay kikilanling may sala.

22 Tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod: at wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala.

Josue 22:10-20

10 At nang sila'y dumating sa may lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng dambana sa tabi ng Jordan, isang malaking dambana na matatanaw.

11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, Narito, ang mga anak ni Ruben, ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan sa may lupain ng Jordan, sa dako na nauukol sa mga anak ni Israel.

12 At nang marinig ng mga anak ni Israel, ay nagpipisan sa Silo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, upang sumampa laban sa kanila na makipagdigma.

13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Galaad, si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote;

14 At kasama niya ay sangpung prinsipe, na isang prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang sa bawa't isa sa mga lipi ng Israel; at bawa't isa sa kanila'y pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang sa mga libolibo sa Israel.

15 At sila'y naparoon sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Galaad, at sinalita nila sa kanila na sinasabi,

16 Ganito ang sabi ng buong kapisanan ng Panginoon, Anong pagsalangsang ito na inyong ginawa laban sa Dios ng Israel, na humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon, sa inyong pagtatayo para sa inyo ng isang dambana, upang manghimagsik sa araw na ito laban sa Panginoon?

17 Napakaliit ba sa ganang atin ang kasamaan ng Peor, na hindi natin nilinis hanggang sa araw na ito, bagaman dumating ang salot sa kapisanan ng Panginoon,

18 Upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? at mangyayari na sapagka't kayo'y nanghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magiinit siya bukas sa buong kapisanan ng Israel.

19 Gayon man, kung ang lupain na inyong ari ay maging marumi, lumipat nga kayo sa lupain na ari ng Panginoon, na kinatahanan ng tabernakulo ng Panginoon, at kumuha kayo ng ari sa gitna namin: nguni't huwag kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni manghimagsik laban sa amin, sa pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios.

20 Hindi ba si Achan na anak ni Zera ay nagkasala ng pagsalangsang sa itinalagang bagay, at ang pagiinit ay nahulog sa buong kapisanan ng Israel? at ang taong yaon ay hindi namatay na magisa sa kaniyang kasamaan.

Roma 13:11-14

11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo'y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka't ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo'y magsisampalataya nang una.

12 Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.

13 Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan.

14 Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain