Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 36

36 Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso: walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata.

Sapagka't siya'y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan at pagtataniman.

Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti.

Siya'y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya'y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan.

Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit.

Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao at hayop.

Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak.

Sila'y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay; at iyong paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran.

Sapagka't nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.

10 Oh, ilagi mo nawa ang iyong kagandahang-loob sa kanila na nangakakakilala sa iyo: at ang iyong katuwiran sa matuwid sa puso.

11 Huwag nawang dumating laban sa akin ang paa ng kapalaluan, at huwag nawa akong itaboy ng kamay ng masama.

12 Doo'y nangabuwal ang mga manggagawa ng kasamaan: sila'y nangalugmok at hindi makakatindig.

Genesis 47:13-26

13 At walang tinapay sa buong lupain; sapagka't ang kagutom ay totoong malala, na ano pa't ang lupain ng Egipto, at ang lupain ng Canaan ay nanglulupaypay dahil sa kagutom.

14 At tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na nasumpungan sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, dahil sa trigong kanilang binibili: at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ni Faraon.

15 At nang ang salapi ay maubos na lahat sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, ay naparoon kay Jose ang lahat ng mga Egipcio, at nagsabi; Bigyan mo kami ng tinapay: sapagka't bakit kami mamamatay sa iyong harap? dahil sa ang aming salapi ay naubos.

16 At sinabi ni Jose, Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo dahil sa inyong mga hayop; kung naubos na ang salapi.

17 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng tinapay na pinakapalit sa mga kabayo, at sa mga kawan, at sa mga bakahan, at sa mga asno; at kaniyang pinakain sila ng tinapay na pinakapalit sa kanilang lahat na hayop sa taong yaon.

18 At nang matapos ang taong yaon ay naparoon sila sa kaniya ng ikalawang taon, at kanilang sinabi sa kaniya: Hindi namin ililihim sa aming panginoon, na kung paanong ang aming salapi ay naubos, at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon; wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupa.

19 Bakit nga kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupa? bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon: at bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay, at huwag mamatay, at ang lupa ay huwag masira.

20 Sa ganito'y binili ni Jose ang buong lupain ng Egipto para kay Faraon; sapagka't ipinagbili ng bawa't isa sa mga Egipcio ang kaniyang bukid, dahil sa ang kagutom ay totoong mahigpit sa kanila: at ang lupain ay naging kay Faraon.

21 At tungkol sa mga tao ay kanilang ibinago sila sa mga bayan mula sa isang dulo ng hanganan ng Egipto hanggang sa kabilang dulo,

22 Ang lupa lamang ng mga saserdote ang hindi niya nabili: sapagka't ang mga saserdote'y may bahagi kay Faraon, at kanilang kinakain ang kanilang bahagi na ibinibigay sa kanila ni Faraon; kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan: Narito, aking binili kayo ng araw na ito, at ang inyong lupa'y para kay Faraon: narito, ito ang ipangbibinhi ninyo, at inyong hahasikan ang lupa.

24 At mangyayari sa pag-aani ay inyong ibibigay ang ikalimang bahagi kay Faraon, at ang apat na bahagi ay sa inyo, sa binhi sa bukid at sa inyong pagkain, at sa inyong mga kasangbahay, at pinakapagkain sa inyong mga bata.

25 At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpong nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon.

26 At ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Egipto sa araw na ito, na mapapasa kay Faraon ang ikalimang bahagi, liban lamang ang lupa ng mga saserdote na hindi naging kay Faraon.

Marcos 8:14-21

14 At nangalimutan nilang magsipagdala ng tinapay; at wala sila kundi isang tinapay sa daong.

15 At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes.

16 At nangagkatuwiranan sila-sila rin, na nangagsasabi, Wala tayong tinapay.

17 At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso?

18 Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala?

19 Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa.

20 At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito.

21 At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa?

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain