Revised Common Lectionary (Complementary)
36 Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso: walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata.
2 Sapagka't siya'y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan at pagtataniman.
3 Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti.
4 Siya'y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya'y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan.
5 Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit.
6 Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao at hayop.
7 Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak.
8 Sila'y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay; at iyong paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran.
9 Sapagka't nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.
10 Oh, ilagi mo nawa ang iyong kagandahang-loob sa kanila na nangakakakilala sa iyo: at ang iyong katuwiran sa matuwid sa puso.
11 Huwag nawang dumating laban sa akin ang paa ng kapalaluan, at huwag nawa akong itaboy ng kamay ng masama.
12 Doo'y nangabuwal ang mga manggagawa ng kasamaan: sila'y nangalugmok at hindi makakatindig.
45 Nang magkagayon ay hindi nakapagpigil si Jose sa harap nilang lahat na nakatayo sa siping niya; at sumigaw, Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harap. At walang taong tumayo na kasama niya samantalang si Jose ay napakikilala sa kaniyang mga kapatid.
2 At siya'y umiyak ng malakas: at narinig ng mga Egipcio, at narinig ng sangbahayan ni Faraon.
3 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Ako'y si Jose; buhay pa ba ang aking ama? At ang kaniyang mga kapatid ay hindi mangakasagot sa kaniya: sapagka't sila'y nagugulumihanan sa kaniyang harap.
4 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Lumapit kayo sa akin, isinasamo ko sa inyo. At sila'y lumapit. At kaniyang sinabi: Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto.
5 At ngayo'y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka't sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.
6 Sapagka't may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man.
7 At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas.
8 Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto.
9 Magmadali kayo, at pumaroon kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya: Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa akong panginoon ng Dios sa buong Egipto: pumarito ka sa akin, huwag kang magluwat.
10 At ikaw ay tatahan sa lupain ng Gosen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga kawan, at ang iyong mga bakahan, at ang iyong buong tinatangkilik.
11 At doo'y kakandilihin kita; sapagka't may limang taong kagutom pa; baka ikaw ay madukha, ikaw at ang iyong sangbahayan, at ang lahat ng iyo.
12 At, narito, nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang aking bibig ang nagsasalita sa inyo.
13 At inyong sasaysayin sa aking ama ang aking buong kaluwalhatian sa Egipto, at ang inyong buong nakita; at kayo'y magmamadali at inyong ibababa rito ang aking ama.
14 At siya'y humilig sa leeg ng kaniyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa ibabaw ng kaniyang leeg.
15 At kaniyang hinagkan ang lahat niyang kapatid, at umiyak sa kanila: at pagkatapos ay nakipagsalitaan sa kaniya ang kaniyang mga kapatid.
9 At ang mga patriarka sa udyok ng kainggitan kay Jose, ay ipinagbili siya, upang dalhin sa Egipto; at ang Dios ay sumasa kaniya,
10 At siya'y iniligtas sa lahat ng kaniyang kapighatian, at siya'y binigyan ng ikalulugod at karunungan sa harapan ni Faraon na hari sa Egipto; at siya'y ginawang gobernador sa Egipto at sa buong bahay niya.
11 Dumating nga ang kagutom sa buong Egipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kapighatian: at walang nasumpungang pagkain ang ating mga magulang.
12 Datapuwa't nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, ay sinugo niyang una ang ating mga magulang.
13 At sa ikalawa'y napakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid; at nahayag kay Faraon ang lahi ni Jose.
14 At nagsugo si Jose, at pinaparoon sa kaniya si Jacob, na kaniyang ama, at ang lahat niyang kamaganakan, na pitongpu't limang tao.
15 At lumusong si Jacob sa Egipto; at namatay siya, at ang ating mga magulang.
16 At sila'y inilipat sa Siquem, at inilagay sila sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor sa Siquem, sa halaga ng pilak.
Public Domain