Revised Common Lectionary (Complementary)
Bilang Pagpupuri sa Manlalalang
104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
2 na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
3 na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
4 na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.
5 Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
upang ito'y huwag mayanig kailanman.
6 Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7 Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
8 Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
sa dakong pinili mo para sa kanila.
9 Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15 at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
na punô ng mga bagay na di mabilang,
ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.
27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
at iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
32 “Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita,
at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.
2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan;
ang aking salita ay bababa na parang hamog;
gaya ng ambon sa malambot na damo,
at gaya ng mahinang ambon sa pananim.
3 Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon;
dakilain ninyo ang ating Diyos!
4 “Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal;
sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan.
Isang Diyos na tapat at walang kasamaan,
siya ay matuwid at banal.
5 Sila'y nagpakasama,
sila'y hindi kanyang mga anak, dahilan sa kanilang kapintasan;
isang lahing liko at tampalasan.
6 Ganyan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,
O hangal at di-matalinong bayan?
Hindi ba siya ang iyong ama na lumalang sa iyo?
Kanyang nilalang ka, at itinatag ka.
7 Alalahanin mo ang mga naunang araw,
isipin mo ang mga taon ng maraming salinlahi;
itanong mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo;
sa iyong matatanda, at kanilang sasabihin sa iyo.
8 Nang(A) ibigay ng Kataas-taasan sa mga bansa ang kanilang pamana,
nang kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao,
kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan,
ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
9 Sapagkat ang bahagi ng Panginoon ay ang kanyang bayan;
si Jacob ang bahaging pamana niya.
10 “Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain,
at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang;
kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya,
kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata.
11 Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad,
na pumapagaspas sa kanyang mga inakay,
kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila,
kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak:
12 tanging ang Panginoon ang pumapatnubay sa kanya,
at walang ibang diyos na kasama siya.
13 Kanyang pinasakay siya sa matataas na dako ng lupa,
at siya'y kumain ng bunga ng bukirin,
at kanyang pinainom ng pulot na mula sa bato,
at ng langis na mula sa batong kiskisan.
14 Ng mantika mula sa baka, at gatas mula sa tupa,
na may taba ng mga kordero,
at ng mga tupang lalaki sa Basan, at mga kambing,
ng pinakamabuti sa mga trigo;
at sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,
33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.
34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.
35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.
36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.
37 Sapagkat(A) “sa sandaling panahon,
ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”
39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001