Revised Common Lectionary (Complementary)
Bilang Pagpupuri sa Manlalalang
104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
2 na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
3 na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
4 na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.
5 Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
upang ito'y huwag mayanig kailanman.
6 Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7 Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
8 Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
sa dakong pinili mo para sa kanila.
9 Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15 at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
na punô ng mga bagay na di mabilang,
ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.
27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
at iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Ipinahayag ni Elias na Magkakaroon ng Tagtuyot
17 Si(A) Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, “Habang nabubuhay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita.”
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, na sinasabi,
3 “Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.
4 Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon.”
5 Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.
6 Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis.
7 Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,
9 “Bumangon(B) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”
10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”
11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”
12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”
15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.
16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.
6 Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matuto kayo na huwag lumampas sa mga bagay na nakasulat, upang sinuman sa inyo ay huwag magmataas laban sa iba.
7 Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap?
8 Kayo ay mga busog na, kayo ay mayayaman na, kayo ay naging mga hari nang wala kami. Ibig ko sanang kayo ay maging hari upang kami rin ay maging haring kasama ninyo.
9 Sapagkat iniisip ko, na kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na kahuli-hulihan sa lahat, kagaya ng mga taong nahatulang mamatay, sapagkat kami ay naging panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao.
10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay walang karangalan.
11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at walang tahanan,
12 at(A) kami'y gumagawa sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Bagaman nilalait, kami ay nagpapala, bagaman inuusig ay nagtitiis kami,
13 bagaman mga sinisiraang-puri, kami ay nakikiusap. Kami'y naging tulad ng basura sa sanlibutan, dumi ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.
Payong Magulang
14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay paalalahanan tulad sa aking mga minamahal na anak.
15 Sapagkat bagaman nagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala naman kayong maraming mga ama; sapagkat kay Cristo Jesus ay ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo.
16 Kaya't(B) hinihimok ko kayo na tumulad sa akin.
17 Dahil dito, aking isinugo[a] sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking mga daan na na kay Cristo gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawat iglesya.
18 Subalit ang iba ay nagmamataas na parang hindi na ako darating sa inyo.
19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at aking aalamin, hindi ang salita ng mga taong nagmamataas, kundi ang kapangyarihan.
20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita, kundi sa kapangyarihan.
21 Anong ibig ninyo? Darating ba ako sa inyo na may pamalo o may pag-ibig sa espiritu ng kaamuan?
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001