Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 104

Bilang Pagpupuri sa Manlalalang

104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
    O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
    na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
    na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
    na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
    at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.

Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
    upang ito'y huwag mayanig kailanman.
Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
    ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
    sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
    sa dakong pinili mo para sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
    upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.

10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
    ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
    pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
    sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
    sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.

14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
    at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15     at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
    at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
    ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
    ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
    ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
    nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
    nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
    na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
    at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
    at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.

24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
    Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
    ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
    na punô ng mga bagay na di mabilang,
    ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
    at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.

27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
    upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
    iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
    iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
    at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
    at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
    magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
    na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
    ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
    para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
    at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 66:7-13

“Bago(A) siya nagdamdam,
    siya'y nanganak;
bago dumating ang kanyang paghihirap,
    siya'y nanganak ng isang lalaki.
Sinong nakarinig ng ganyang bagay?
    Sinong nakakita ng ganyang mga bagay?
Ipapanganak ba ang lupain sa isang araw?
    Ilalabas ba sa isang sandali ang isang bansa?
Sapagkat sa pasimula pa lamang ng pagdaramdam ng Zion,
    ay isinilang niya ang kanyang mga anak.
Bubuksan ko ba ang bahay-bata at hindi ko paaanakin?
    sabi ng Panginoon;
ako ba na nagpapaanak ang siyang magsasara ng bahay-bata?
    sabi ng iyong Diyos.

10 “Kayo'y magalak na kasama ng Jerusalem, at matuwa dahil sa kanya,
    kayong lahat na umiibig sa kanya;
magalak kayong kasama niya sa katuwaan,
    kayong lahat na tumatangis dahil sa kanya;
11 upang kayo'y makasuso at mabusog
    mula sa kanyang nakaaaliw na mga suso;
upang kayo'y ganap na makasipsip na may kasiyahan
    mula sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian.”

12 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Narito, ako'y magbibigay ng kapayapaan sa kanya na parang isang ilog,
    at ng kaluwalhatian ng mga bansa ay parang umaapaw na batis;
at inyong sususuhin; kayo'y kakalungin sa kanyang balakang,
    at lilibangin sa kanyang mga tuhod.
13 Gaya ng inaaliw ng kanyang ina,
    gayon ko aaliwin kayo;
    kayo'y aaliwin sa Jerusalem.

Lucas 12:22-31

Pagtitiwala sa Diyos(A)

22 At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.

23 Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.

24 Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!

25 At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?[a]

26 Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Pansinin(B) ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.

28 Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.

30 Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.

31 Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001