Revised Common Lectionary (Complementary)
8 Ganito(A) ang sabi ng Panginoon:
“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
upang ipamahagi ang mga sirang mana;
9 na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(B) hindi magugutom, o mauuhaw man;
at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”
13 Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.
14 Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15 “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
ngunit hindi kita kalilimutan.
16 Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Ang Ministeryo ng mga Apostol
4 Kaya't ituring ninyo kami bilang mga lingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.
2 Bukod dito, kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.
3 Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako'y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili.
4 Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako'y napawalang-sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon.
5 Kaya't huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos.
Diyos o Kayamanan(A)
24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[a]
Tungkol sa Pagkabalisa(B)
25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[b]
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.
29 Gayunma'y(C) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’
32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[c] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001